Home Pangunahin Ramadan at Eid Bakit nag-aayuno ang mga Muslim?

Bakit nag-aayuno ang mga Muslim?

Bakit nag-aayuno ang mga Muslim?

Sa panahon ngayon habang ang karamihan sa atin ay sobra sa timbang, ang mga tao ay sinusubukan ang ibat-ibang mga uri ng pag-aayuno.

Ang ilan ay umiinom lang ng katas ng prutas sa buong araw, o kakain lang ng prutas, o umiiwas sa anumang asukal o arina, o iiwas sa alak ng ilang panahon.

Gayunman, para itong kakaiba sa karamihan, ang pananaw ng pag-aayuno ng mga Muslim sa buwan ng Ramadan

Ang buong nasyon ng halos 2 bilyong tao, kalalakihan at kababaihan, kabataan at matatanda, mayaman at mahirap – sama-sama, sa buong buwan – hindi kakain, hindi iinom at walang pakikipagtalik, sa buong maghapon.

Inilalarawan nito ang buwan ng Ramadan.

Ano ang kahigitan ng Ramadan? Hindi ba ito pahirap na kagawian? Baka ito ay oras lang ng pagtulog ng mga Muslim at pag-aayuno at halos hindi magtrabaho sa maghapon; at kakain, iinom, magsasaya at mananatiling gising magdamag? Ano ba talaga ang diwa ng Ramadan?

Ang Pag-aayuno ay Ipinag-utos sa Ibang Relihiyon

Sa Tagalog ang “pag-aayuno” ay nangangahulugan ng pag-iwas mula sa pagkain o ilang uri ng pagkain ng kusang-loob, bilang pangingiling ng isang banal na araw o bilang tanda ng pighati, kalungkutan, o pagsisisi.

Ang kagawiang ito ay matatagpuan sa karamihan ng malalaking relihiyon sa mundo.
Halimbawa:

Hindu: Ang Pag-aayuno sa Sanskrit ay tinatawag na upavaasa.

Ang debotong Hindus ay nag-aayuno sa natatanging pagdiriwang bilang tanda ng paggalang sa kanilang mga pansariling diyos o bilang bahagi ng kanilang pamamanata.

Karamihang debotong Indyano ay nag-aayuno ng palagian o sa natatanging pagdiriwang katulad ng mga kapiyestahan. Sa ganung mga araw ay hindi sila kumakain ng anuman, kakain ng minsan o prutas lang o isang natatanging simpleng pagkain.

Hudyo: Yom Kippur [“Araw ng Pagtutubos”] ay ang pinakahuli sa Sampung Araw ng Pagsisisi na isinasagawa sa ika-10 ng Tishri. Sa araw na yaon, ipinagbabawal kumain, uminom, maghugas, magsuot ng yari sa balat ng hayop, o makipagtalik. Karagdagan pa, ang pagbabawal sa pagtatrabaho kagaya ng sa Sabbath ay ipinatutupad.

Nararapat ding tandaang si Moises [sumakanya ang kapayapaan] ay naitala sa Tawrah na nag-ayuno:

“At siya ay pumaroong kasama ng Panginoon, ng apatnapung araw at apatnapung gabi; hindi man lamang siya kumain ng tinapay, o uminom man ng tubig…” [Exodo 34:28]

Para sa mga Katolikong Kristiyano: ang Semana Santa ang pinakamahalagang panahon ng pag-aayuno, paggaya sa apatnapung araw ng pag-aayuno ni Hesus [sumakanya ang kapayapaan].

Nang ikaapat na siglo ito’y ipinagdiriwang ng anim na linggong pag-aayuno bago sumapit ang Linggo ng Pagkabuhay o Mahal na Araw. Ito ay ginawang apatnapung araw ng pag-aayuno sa karamihang lugar noong ikapitong siglo.

Si Hesus [sumakanya ang kapayapaan] ay naitala sa Ebanghelyong nag-ayuno kagaya ni Moises.

“At siya’y makapag-ayunong apatnapung araw at apatnapung gabi, sa wakas ay nagutom siya.” [Mateo 4:2 at Lucas 4:2]

Sa konteksto ito ang Diyos ay nagpahayag sa Qur’an:

“O mga sumampalataya, inatas sa inyo ang pag-aayuno gaya pag-atas nito sa mga nauna sa inyo nang harinawa kayo ay mangilag magkasala.” [Maluwalhating Qur’an 2:183]

Kabilang sa Pinakamainam na Mabubuting Gawa

Bagama’t karamihan sa mga relihiyon, ang pag-aayuno ay para sa kabayaran ng kasalanan o pagtubos sa kasalanan, sa Islam ito ay ang pinakapangunahin para ilapit ang isang tao sa Diyos, kagaya ng ipinahayag sa binanggit na talata.

Dahil ang mapangilag sa Diyos ay pangangailangan para sa pagkamatuwid, ang dakilang pagpapahalaga ay inilagay sa pag-aayuno ng Islam.

Samakatuwaid, hindi na nakapagtatakang matatagpuang nang tinanong ang Propeta Muhammad [sumakanya ang kapayapaan at mga biyaya]

“Ano ang pinakamainam na gawain?” Siya ay sumagot, “Pag-aayuno, sapagkat walang kapantay ito.”

Ang Mga Antas ng Pag-aayuno

Maraming antas ang pag-aayuno kagaya rin ng maraming mukha ng pagkatao. Ang tamang pag-aayuno ay nararapat na nasasaklaw ang lahat ng mga sukatan ng pag-iral ng tao upang ito nga ay magkaroon ng banal na hangaring dulot.
Ang mga sumusunod ay ilan sa malalaking antas ng pag-aayuno:

Ang Ritwal na Antas:

Ang antas na ito ay nangangailangan na ang mga pangunahing panuntunan sa pag-aayuno ay dapat na magampanan, kagaya ng pag-iwas sa pagkain, inumin at pakikipagtalik sa pagitan ng madaling araw at paglubog ng araw sa loob ng 29 o 30 araw sa bawat taon.

Sa antas na ito ay pangunahing sinusunod ang nakatalang mga batas ng pag-aayuno ng walang partikular na pagsaalang-alang sa diwa ng pag-aayuno.

Ito ang panimulang antas na dapat magampanan para sa tumpak na pag-aayunong Islamiko, ngunit ang ibang mga antas ay dapat na maidagdag upang ang pag-aayuno ay magkaroon ng tunay na magandang bunga sa nag-aayuno.

Ang pag-aayuno sa ganitong antas lamang ay walang espiritwal na pakinabang sa tao, maliban sa pananaw ng pagsuko sa banal na mga utos, kung pipiliin ng tao na sundin ang ritwal na may kamalayan at hindi lang basta pagsunod sa kultura.

Magkagayun, kung mismong ito lang, ang antas na ritwal ay hindi makapagpapadalisay sa kasalanan ng tao o makatutubos sa kasalanan.

Ang Pisikal na Antas:

Ang pag-aayuno sa “pisikal” na antas ay nagdudulot sa nag-aayuno na maranasan ang hapdi ng gutom at uhaw – nang ang propetikong gawi [Sunnah] ng pag-aayuno ay isinagawa. Si Propeta Muhammad ﷺ ay nakagawiang kumain ng kaunting almusal [suhur] bago ang madaling araw at katamtamang hapunan [iftar] para ihinto ang pag-aayuno sa paglubog ng araw, habang maingat na iniiwasang mapuno ang sikmura.

Siya ay iniulat na nagwika,

“Ang pinakamasamang sisidlang pupunuin ng tao ay ang kanyang sikmura. Ang ilang subo ng pagkain para mapanatiling tuwid ang likod ng tao ay sapat na.

Gayunman, kung ang kanyang pithaya ay napangibabawan siya, kung ganun hayaan siyang kumain para sa unang ikatlo, uminom para sa pangalawang ikatlo, at iwanan ang huling ikatlong [bahagi ng sikmura] para sa paghinga.” [Sunan Ibn Majah]

Ang Propeta ﷺ ay nakagawian na ihinto ang kanyang pag-aayuno sa pamamagitan ng ilang pirasong sariwa o tuyong datiles at isang basong tubig bago magsimula ang pagdarasal sa paglubog ng araw. [Sunan Abu Dawud]

Ang antas na ito ay hinahayaan ang nag-aayuno na maranasan ang mga hapdi ng gutom at uhaw at sa pamamagitan nito ay uusbong sa kanya ang simpatiya para sa mga nagugutom at namamatay sa uhaw sa ibang bahagi ng mundo.

Medikong Pakinabang:

Sa antas na pisikal, ilang kemikal sa utak na naghahatid ng mga mensahe at lumilikha ng mga pakiramdam, na tinatawag na “neurotransmitters” ay naaapektuhan ng pag-aayuno.

Ang pag-aayuno ay hinihikayat ang “endorphin neurotransmitter system” kaugnay sa damdaming ng kaayusan – at sobrang kagalakan, para maglabas ng marami pang “endorphins”, at sa katunayan ay higit na pinaiigi ang ating pakiramdam.

Ito ay kagaya ng idinudulot ng pag-eehersisyo [subalit walang pisikal na pagkilos].

Ito rin ay napuna ng mga dalubhasang mediko na ang pag-aayuno ay nagpapaunlad ng kalusugang pisikal sa maraming paraan. Halimbawa, habang nag-aayuno ang katawan ay ginagamit ang mga nakaimbak na kolesterol [taba] na kadalasang nakaimbak sa sistema ng dugo, gayundin sa iba pang bahagi ng katawan na may taba.

Kung kaya, matatagpuan nating ito ay nakakatulong sa katawang panatilihing matatag at binabawasan ang panganib ng atake sa puso.

Ang pagkakaiba sa pagitan ng antas na ritwal 1 at ng antas na pisikal 2, ay ang isang taong ginagawa lamang ang ritwal na pag-aayuno ay maaaring kumain ng marami bago pa magsimulang mag-ayuno at pagkatapos nito, at hindi makaramdam ang anumang gutom o uhaw sa buong buwan.

Bagama’t, kagaya ng unang antas, kung ang nag-aayuno ay hindi isinama ang ibang antas ng pag-aayuno, ang pag-aayuno ay pagpapakapagal lamang sa pisikal.

Ang Propeta ay nagwika,

“Maaaring ang nag-aayuno ay walang makakamit na pakinabang bagkus gutom at uhaw lamang mula sa pag-aayuno.”

Ang Libidong Antas:

Ang hilig sa sekswal at gana [libido] ay napag-iibayo sa antas ng pag-aayunong ito.

Sa panahong ito na ang pamamahayag ay patuloy na nilalaro ang hilig sa sekswal para itaguyod at ilako ang mga produkto, ang kakayahang magpigil sa napakalakas na pagnanasang ito ay isang kalamangan.

Ang pag-aayuno sa pisikal ay nababawasan ang hilig sa sekswal at sa katunayang ang nag-aayuno ay kailangang iwasan ang anumang makapag-uudyok sa kanyang kaisipan ay nakakatulong para bumaba ang libido.

Si Propeta Muhammad ﷺ ay nagwika:

“O kabinataan, sinuman sa inyo ang may kakayahang mag-asawa ay hayaan siyang isagawa ito, dahil ito ay nakakapigil sa mga mata at napapangalagaan ang maselang bahagi ng katawan. Siya na walang kakayahang mag-asawa ay nararapat na mag-ayuno dahil ito ay panangga.”

Sa pamamagitan ng pagpipigil mula sa pakikipagtalik, kahit pa nga ito ay pinapayagan, ang nag-aayuno ay higit na napapadali para sa kanilang mga sariling magpigil mula sa ipinagbawal na pakikipagtalik, kung sila ay hindi nag-aayuno.

Ang Emosyonal na Antas:

Ang pag-aayuno sa antas na ito ay kabilang ang pagpipigil ng maraming negatibong mga emosyong nagpapainit sa isipan ng tao at kaluluwa. Halimbawa, kabilang sa pinakanakapipinsalang emosyon ay galit. Ang pag-aayuno ay nakakatulong na mapigilan ang emosyong ito.

Si Propeta Muhammad ﷺ ay nagwika:

“Kapag ang isa sa inyo ay nag-aayuno, siya ay nararapat na umiwas sa malalaswang gawa at walang kabuluhang salita, at kung may isang taong magsimula ng masagwang usapan o magtangkang makipagtalo, siya ay nararapat na magsabi sa kanya, “Ako ay nag-aayuno.”

Kung kaya, sa antas na ito, anumang negatibong emosyong hahamon sa nag-aayuno ay dapat na iwasan.

Gayundin, ang negatibong emosyon ng paninibugho ay nababawasan, dahil ang bawat nag-aayuno ay tutungo sa iisang layuning pagpipigil; walang isaman sa panlabas ang nakakahigit sa iba sa bagay na ito.

Ang Sikolohiyang Antas:

Ang antas na ito ay tumutulong sa sikolohiya ng nag-aayuno para mapigilan ang masasamang isipan at sinasanay siya, sa ilang bahagdan, kung paano magapi ang karamutan at kasakiman.

Ang Propeta ﷺ ay nagwika:

“Si Allah ay hindi nangangailangan sa gutom at uhaw ng taong hindi pinipigilan ang kanyang sarili mula sa pagsisinungaling at kumikilos ayon dito habang nag-aayuno.”

Sa panahong ito ng dagliang pagpapakaligaya, na ang mga bagay sa mundo na pumupuno sa pangangailangan ng tao at pagnanasa ay halos napakadaling makamit sa sandaling kailangan nila ito – ang kakayahan para ipagpaliban ang pagpapakaligaya ay isang mahalagang katangian.

Ano nga ba ang nasa pagitan ng dagliang pagpapakaligaya at pagpapaliban nito, ito ay pagtitiis. Habang nag-aayuno, ang mga mananampalataya ay natututo ng pagtitiis – at mga pakinabang nito.

Mula sa sikolohikal na pananaw, mainam na minsan ay lumayo mula sa mga makamundong bagay.

Wala namang masama na maging maligaya sa buhay – sa katunayan, magagawang mangyari ito na siyang inaasahan ng tao.

Subalit, mahalagang ang mga tao ay may kakayahang ilayo ang kanilang mga sarili mula sa makamundong mga bagay upang hindi ito ang maging pinakamahalagang bahagi ng kanilang buhay.

Ang pag-aayuno ay binibigyan ang isang tao ng pagkakataon para madaig ang maraming pagkasugapa na naging pinakamalaking bahagi ng makabagong buhay.

Ang pagkain, para sa maraming tao, ay nagdudulot ng kaginhawahan at kaligayahan – at ang kakayahang ihiwalay ang sarili mula dito ay nagbibigay sa nag-aayuno ng sikolohiyang pakinabang nang pagkabatid na mayroon silang ilang bahagdan ng kakayahang pagpipigil sa kung ano ang ginagawa nila at hindi nila ginagawa.

Ang Espiritwal na Antas:

Upang mapagtibay ito, ang pinakamataas at pinakamahalagang antas ng pag-aayuno, ang antas ng kamalayan sa Diyos, si Propeta Muhammad ﷺ ay ginawang tungkulin ang pagpapanibagong-muli ng layunin sa bawat araw bago ang pag-aayuno.

Siya ay naiulat na nagwika:

“Sinuman ang hindi naglayong mag-aayuno bago ang Fajr [madaling araw] ay hindi nag-ayuno.”

Ang araw-araw na pagpapanibagong-muli ng layunin ay nakakatulong para mapagtibay ang pundasyong espiritwal ng pagkadalisay na mahalaga para sa mga maidudulot ng espiritwal na paglilinis ng pag-aayuno para gumana.

Ang taus-pusong pag-aayuno ay naglilinis at nagtutubos para sa kasalanan, kagaya ng winika ng Propeta ﷺ:

“Sinuman ang mag-ayuno sa Ramadan ng dahil sa taus-pusong pananampalataya at umaasa ng gantimpala mula sa Diyos, ang nakaraan niyang mga kasalanan ay patatawarin.”

Siya rin ay naiulat na nagwika:

“Mula sa isang Ramadan hanggang sa susunod ay pagpapatawad para sa mga kasalanan sa pagitan nito.”

Ang taus-pusong pag-aayuno ay higit na nagpapalapit kay Allah at umaani ng mga natatanging gantimpala.

Ang Propeta ﷺ ay nabatid na mayroong isang pintuan sa Paraiso na tinatawag na Rayyan na nakalaan para sa mga nag-aayuno at siya rin ay nagwika:

“Kapag ang Ramadan ay dumating, ang mga pintuan ng Paraiso ay bukas.”

Ang pag-aayuno una sa lahat ay sa pagitan ng tao at Diyos, dahil walang tahasang makapagsasabing ang tao ay tunay ngang nag-aayuno.

Dahil sa matalik na aspetong ito ng pag-aayuno, si Allah ay binanggit ng Propeta ﷺ na nagwika:

“Ang bawat gawa ng inapo ni Adan ay para sa kanilang sarili, maliban sa pag-aayuno. Ito ay para sa Akin lamang, at Ako lamang ang maggagantimpala dito.”

Kapag pinagsama sa naunang mga antas ng pag-aayuno, ang antas na ito ay babaguhin ang tao sa kanyang kaibuturan.

Ito ay pinapanumbalik, pinalalakas at binabago ang nag-aayunong tao sa espiritwal at sukdulang binabago ang kanyang pagkatao at pag-uugali.

Ito ang mga mahahalagang bunga ng pinataas na kalagayan ng kamalayan sa Diyos.

Ang Pag-aayuno sa Kulturang Islam

Sa karamihang mundo ng Muslim ngayon ang pag-aayuno ay nauwi na lang sa isang ritwal, at ang buwan ng Ramadan ay naging isang panahon ng pagdiriwang at kapiyestahan sa halip na pagmumuni-muning pangrelihiyon at pangingiling.

Ang mga gabi ng Ramadan, para sa marami, ay mga gabi ng pagtitipon at kasiyahan na nagpapatuloy hanggang madaling araw sa ilang mga bansa.

Doon, ang mga gabi ay nagiging araw at ang araw ay nagiging gabi. Sa maraming lugar, ang kaunting pagkain na dapat sana’y kakainin bago ang madaling araw ay nagiging magagarbong tatlong kursong pagkain.

Sa kadahilanang ito, napakakunti ang nakararanas ng tunay na gutom sa panahon ng pag-aayuno.
At sa oras ng paghinto ng pag-aayuno ay panibagong tatlong magagarbong kurso ng pagkain ang pagsasaluhan, na susundan ng pagtikim sa lahat ng mga uri ng minatamis na maiisip.

Kaya’t ang bunga, maraming mga Muslim ang dumadaing tungkol sa pagbigat ng timbang sa panahon ng Ramadan at ang mga doktor ay palagiang nagpapaalala sa mga tao tungkol sa ibubunga sa kalusugan ng labis na pagkain.

Ang Pangalang Ramadan

Ang katagang Ramadan ay nagmula sa katagang Ramad na tumutukoy sa “mainit na singaw ng bato dahil sa matinding init ng araw.”

Nang palitan ng mga Arabe ang pangalan ng mga buwan mula sa kanilang sinaunang mga pangalan, pinangalanan muli nila ang mga ito ayon sa mga panahong dumadaan. Ang ika-siyam na buwang tinatawag nilang Natiq, ay dumadaan sa panahon ng tag-init, ang oras ng labis na init, kung kaya pinangalanan nila itong Ramadan.

Kahigitan ng Ramadan

Karaniwan na, ang katunayan na ang Ramadan ay nasa tag-init ay walang kaugnayan kung bakit ang buwan na ito ang pinili ni Allah bilang buwan ng pag-aayuno.

Dahil ang mga Muslim ay sinusunod ang kalendaryong lunar, ang buwan ng Ramadan ay nagaganap sa lahat ng mga panahon ng dalawang beses kahit papaano sa buhay ng bawat tao. Ang Diyos ay malinaw na ipinahayag ang dahilan sa pagpili ng buwan na ito sa Qur’an.

Siya ay nagwika:

“Ang buwan ng Ramadan na dito ibinaba ang Qur’an bilang patnubay para sa mga tao, malinaw na katibayan mula sa patnubay at batayan. Kaya ang sinuman sa inyong nakasaksi sa buwan na ito ay mag-ayuno…” [Maluwalhating Qur’an 2:185]

Ang kahigitan ng Ramadan ay batay sa katotohanang ang paghahayag ng Qur’an ay nagsimula sa buwang ito.

Sa kadahilanang ito, ang Ramadan ay madalas na tawaging buwan ng Qur’an at ang mga Muslim ay sinusubukang gamitin ang maraming oras na sila ay gising sa pagbabasa ng Maluwalhating Qur’an sa buong buwan.

Relihiyosong Pag-iisa [I’tikaf]

Sa panahon ng huling sampung araw ng Ramadan, ang Propeta ﷺ ay nakagawiang mag-isa sa masjid, para madagdagan pa ang rubdob ng kanyang pagsamba at ang mga pakinabang ng pag-aayuno bago pa ang pagtatapos ng buwan.

Ang mga debotong Muslim ay sinusubukang tularan siya sa pamamagitan ng pagpapalipas ng halos lahat sa sampung araw sa abot ng kanilang makakaya na mamalagi sa masjid.

Load More Related Articles
Comments are closed.

Check Also

Bakit Sasambahin Ang Diyos?

Kapag nakamalas tayo ng kakaibang pagpapakita ng kakayahan ng isa sa ating mga bayani sa p…