Islam, ang relihiyon ng mahigit 1.2 bilyon sa mundo, na nagkaloob sa sangkatauhan ng nagkakaisang pananaw tungkol sa layunin ng ating pagkalikha at pag-iral, ang ating huling hantungan at ating lugar kasama ng ibang mga nilikha. Ito ay pamamaraan ng buhay na ganap na umaayon sa kalikasan, ng may katuwiran, lohika at agham. Ang arabik na salitang ‘Islam’, ay nangangahulugan ng kusang pagsuko sa kalooban ni Allah at pagsunod sa Kanyang mga kautusan. ‘Allah’ ay ang pangalang pantangi ng Tunay na Diyos na ginagamit ng mga Muslim. Ang isang taong malaya at tinatanggap niya ng may kabatiran ang Islamikong pamamaraan ng buhay at taos-pusong isinasabuhay ito ay tinatawag na ‘Muslim’.
Mga Pangunahing Paniniwala
TAWHID ito ang pinakamahalagang Islamikong paniniwala. Ito ay nagpapahiwatig na ang lahat ng umiiral ay nagmula sa nag-iisa at tanging Tagapaglikha, na Siya ring Tagapagtustos at ang tanging Pinagmumulan ng Patnubay. Ang paniniwalang ito ay dapat na pinamamahalaan ang lahat ng aspeto ng buhay ng tao. Ang pagkilala sa pangunahing katotohanan na ito ay bunga ng nagkakaisang pananaw ng pag-iral na nagtatakwil ng anumang paghihiwalay ng buhay pangrelihiyon at sekular. Si Allah ang tanging pinagmumulan ng Lakas at Paghahari kung kaya karapat-dapat para sa Kanya ang pagsamba at pagsunod mula sa sangkatauhan. Walang puwang sa anumang pagtatambal sa Tagapaglikha. Ang Tawhid ay nagtuturo sa tao na si Allah ay hindi isinilang, o sinuman ay isinilang Niya. Siya ay walang anak na lalaki o babae. Ang nilikhang tao, katulad ng lahat ng nilikha, ay Kanyang pinaghaharian.
RISALAH ay nangangahulugan ng Pagkapropeta at Pagkasugo. Simula ng nilikha ang unang tao, si Allah ay nagpahayag ng Kanyang patnubay sa sangkatauhan sa pagpapadala ng mga propeta, na lahat sila ay nag-aanyaya na maniwala sa Isang Diyos. Ang mga propetang tumanggap ng mga aklat mula kay Allah ay tinawag na mga sugo. Sa tuwing ang mga aral ng propeta ay nasira ng mga tao si Allah ay nagpapadala ng panibagong propeta upang ibalik ang sangkatauhan sa Tuwid na Landas. Ang kawing ng Risalah ay nagsimula kay Adan, kasama si Noe, Abraham, Ismael, Isaac, Lot, Jacob, Jose, Moises, at Hesus, at nagtapos kay Muhammad (sumakanilang lahat ang kapayapaan), bilang panghuling sugo ni Allah sa buong sangkatauhan.
Ang ipinahayag na mga aklat mula kay Allah ay: ang Tora [Tawrat], ang Salmo [Zabur], ang Ebanghelyo [Injeel] at ang Qur’an. Ang Qur’an ay ipihayag kay Propeta Muhammad (sumakanya ang kapayapaan at mga biyaya), bilang panghuling aklat ng Gabay. Sa lahat ng mga aklat na ito, tanging ang Qur’an ang nanatili na hindi nabago, sa orihinal na anyo ng pagkapahayag dito.
Ang Buhay Pagkatapos ng Kamatayan
Ang paniniwalang ito ay may malawak na dulot sa buhay ng mananampalataya sa pamamagitan ng pananagutan nila kay Allah. Sa Araw ng Paghuhukom tayo ay hahatulan ayon kung paano tayo namuhay. Ang isang sumunod at sumamba kay Allah ay gagantimpalaan ng panghabang-buhay na lugar ng kaligayahan at kaginhawahan sa Paraiso; ang isang hindi sumunod ay itatapon sa Impiyerno, lugar ng kaparusahan at paghihirap.
Limang Haligi ng Islam
Ang pagkilos ng tama at taos-puso sa limang haligi ay babaguhin ang buhay ng Muslim sa isang umaayon sa kalikasan na kung kaya ay umaayon sa kagustuhan ng Tagapaglikha. Ito ay nagpapasigla na gumawa patungo sa pagtatatag ng katarungan, pagkakapantay at pagkamatuwid sa lipunan, at pagkalos ng kawalang katarungan, kamalian at kasamaan.
1. SHAHADAH [Pagsaksi]
Ang una sa limang pangunahing pundasyon, ay ang paghahayag, na nauunawaan at kusang-loob, ang: La ilaha illallah wa Muhammadar rasulullah. “Walang ibang diyos maliban kay Allah, at si Muhammad ay Sugo ni Allah”. Ang paghahayag na ito ay ang batayan ng lahat ng mga gawa sa Islam, at ang ibang pangunahing tungkulin ay susundan ang pagpapatotoo na ito.
2. SALAH [Tungkuling Pagdarasal]
Ay inaalay ng limang beses sa isang araw. Ito ay praktikal na pagpapakita ng pananampalataya, at pinananatili ang mananampalataya sa ugnayan nila sa kanilang Tagapaglikha. Ang Salah ay pinag-iibayo sa isang mananampalataya ang kalidad ng disiplina sa sarili, katatagan at pagsunod sa Katotohanan, na magdadala sa isa na maging mapagtiis, matapat at makatotohanan sa mga ugnayan sa kanilang buhay.
3. ZAKAH [Kawanggawa]
Ay isang sapilitang bayarin mula sa taunang ipon ng isang Muslim. Ito ay maaari lamang na gugulin sa pagtulong sa mahihirap, nangangailangan, naaapi, at para sa pangkalahatang pagpapaunlad ng lipunan. Ang Zakah ay isa sa pangunahing prinsipyo ng Islamikong ekonomiya, na tumitiyak ng patas na lipunan na kung saan ang lahat ay may karapatang mag-ambag at magbahagi.
4. SAWM [Pag-aayuno]
Ito ay taunang tungkulin na pag-aayuno sa mga araw ng buwan ng Ramadan – ang ikasiyam na buwan sa kalendaryong Islamiko. Ang bawat isa ay dapat na umiwas sa pagkain, pag-inom, paninigarilyo, at pakikipagtalik, simula sa madaling-araw hanggang sa paglubog ng araw. Ang Sawm ay pinag-iibayo ang pamantayan ng moralidad at espiritwal ng isang mananampalataya at inilalayo sila mula sa pagkamakasarili, kasakiman, pagmamalabis at iba pang mga bisyo. Ang Sawm ay taunang programa ng pagsasanay na nagpapalakas ng pagpupunyagi ng isang Muslim para tuparin ang kanilang tungkulin sa Makapangyarihang Panginoon.
5. HAJJ [Pagbisita]
Ay isang taunang kaganapan, tungkulin sa mga Muslim na may kakayahan na gawin ito, kahit isang beses sa kanyang buhay. Ito ay paglalakbay [pagbisita] sa “Bahay ni Allah” [Al-Ka’bah] sa Makkah, Saudi Arabia, sa ikalabing dalawang buwan ng kalendaryong Islamiko. Ang Hajj ay sumisimbolo ng pagkakaisa ng sangkatauhan; ang mga Muslim mula sa ibat-ibang lahi at bansa ay nagtitipon sa pagkakapantay-pantay at kapatiran para sumamba sa kanilang Panginoon.
Ang Qur’an
Ang Qur’an ay ang panghuling Aklat ng patnubay mula kay Allah, na ipinahayag kay Propeta Muhammad ﷺ sa pamamagitan ng anghel Gabriel [Jibril]. Ang bawat salita sa Qur’an ay salita ni Allah. Ang Qur’an ay hindi mapantayan sa kanyang pagkakatala at pagpapanatili. Hindi katulad ng ibang mga kapahayagan na nasira ng pagdadagdag ng mga tao at mga pagbabawas, ang Qur’an ay nanatiling hindi nabago, kahit isang titik, sa mahigit na 1400 taon. Ang Qur’an ay ang huli at pangwakas na kapahayagan sa sangkatauhan at nasasakop ang lahat ng aspeto ng buhay ng tao, at ang kaugnayan nito sa buhay pagkatapos ng kamatayan.
Ang Hadith
Ang Hadith ay natipong mga salawikain, mga gawa at tahimik na pagsang-ayon ni Propeta Muhammad ﷺ. Ito ay nagpapaliwanag ng Qur’an, at kung paano isabuhay ito. Ang Hadith ay naitala ng napakaingat ng mga kasamahan ng Propeta.
Si Propeta Muhammad ﷺ
Si Muhammad ﷺ, ang pinakahuling sugo ni Allah, na ipinanganak sa Makkah, Arabia, sa taong 571 CE. Siya ay tumanggap ng unang kapahayagan mula kay Allah sa edad na apatnapu. Ang mga tao sa Makkah sa panahon na yaon ay sumasamba sa mga idolo. Ang Propeta ay inanyayahan sila sa Islam. Ang ilan sa kanila ay tumanggap at naging mga Muslim, samantalang ang iba ay kinutya at kinalaban siya. Sa ika-13 taon ng kanyang Pagkapropeta, si Muhammad ﷺ ay nangibang-bayan mula sa Makkah patungo sa Madinah.
Ang Propeta ﷺ ay tinipon ang mga unang Muslim at ipinangaral ang mensahe ni Allah ng may pagtitiis at malawak na kaalaman. Kalaunan ang Islam ay naitatag sa buong Arabia at naitayo para gumawa ng napakalaking ambag sa kasaysayan at sibilisasyon ng mundo. Si Propeta Muhammad ﷺ ay namatay noong 632 CE sa edad na 63. Ang kanyang iniwan ay Qur’an at Sunnah [pamamaraan] bilang pagkukunan ng patnubay sa lahat ng henerasyon na darating.
Ang Pag-aasawa at Buhay May Pamilya
Ang pag-aasawa ay ang pundasyon ng buhay pamilya sa Islam. Ito ay mataimtim ngunit payak na kasunduan sa pagitan ng pahintulot ng lalaki at babae. Sa Islam ay hindi pinapayagan ang malayang pakikihalubilo ng mga lalaki sa mga babae; o maging ang pagtatalik bago pa ang kasal. Ang pagtatalik sa labas ng kasal ay may matinding kaparusahan. Walang pagkiling sa alinmang kasarian. Ang asawang lalaki at babae ay pantay na magkabiyak sa loob ng pamilya at ginagampanan ang kanilang magkaibang mga papel.
Diyeta
Ang mga Muslim ay hinikayat na kumain kung ano ang mabuti para sa kanila. Ang Islamikong batas ay kinakailangan ang pagkatay sa hayop ay binabanggit ang pangalan ni Allah. Ang lahat ng uri ng inuming nakalalasing ay ipinagbabawal. Ang karne ng baboy at dugo ay ipinagbabawal din.
Pananamit
Ang mga Muslim ay dapat na natatakpan ang kanilang katawan ng maayos at disente. Pagdating sa pananamit, ang kapayakan at kaayusan ay ipinapayo. Walang tukoy na damit ang itinatagubilin, datapwat, ang kalalakihan ay dapat na matakpan ang kanilang katawan mula sa pusod hanggan sa mga tuhod. Ang kababaihan ay dapat takpan ang kanilang buong katawan maliban sa mukha at mga kamay. Ang anumang damit na nagpapahiwatig, naaaninag, hapit o halos hubad ay maaaring maghatid ng maling senyales sa iba; mga senyales na salungat sa turo ng Islam. Ang purong sutla at ginto ay ipinagbabawal sa kalalakihan.
Mga Asal sa Lipunan
Ang Islam ay nagtuturo ng kagandahang-asal, kababaang-loob, mabuting-asal. Ang mga Muslim ay nagbabatian sa isat-isa sa pagsasabi ng: As-salamu alaykum [sumainyo ang kapayapaan] at ang sagot ay: Wa alaykumus salam [at sumainyo din ang kapayapaan].
Ang pagtupad sa mga pangako, makatotohanan, makatarungan, patas na pakikitungo, matulungin sa mahihirap at nangangailangan, paggalang sa mga magulang, mga guro at matatanda, pagmamahal sa mga anak at mabuting pakikitungo sa mga kapitbahay at mga kamag-anak ang higit na pinahahalagahang mga kabutihan ng isang Muslim. Ang Islam ay kinokondena ang galit, panlilibak, paninirang-puri, pamumusong, pangungutya, pagbabansag ng masamang pangalan, paghihinala at pagyayabang.
Kongklusyon
Ang Islam ay nanggaling sa salitang ugat na ‘Aslama’, na ang kahulugan ay ganap na pagsuko. Kapag ang indibidwal at pangkalahatang buhay ay umaayon sa kalikasan at sa nais ng Tagapaglikha, ang kapayapaan ay hindi maiiwasan. Ang Islam bilang isang pamamaraan ng buhay, ang lunas sa lahat ng mga suliranin ng sangkatauhan, at ang tanging pag-asa sa kasalukuyan at maging sa hinaharap. Ang kailangan ay isabuhay ito ng taos-puso.