Ang Islam ay relihiyon ng pagdadamayan at katarungan, isang relihiyong nagtuturo ng ganap moralidad at nagbabawal ng masamang ugali, isang relihiyong nagkakaloob sa tao ng kanyang dangal kung siya ay tatalima sa mga batas ni Allah. Walang pag-aalinlangang ang Islam ay nagkaloob sa mga matatanda ng isang natatanging katayuan, kagaya ng mayroong mga talatang naghihikayat sa mga Muslim na igalang at parangalan sila.
Ang tao ay may Marangal na Katayuan sa Islam
Ang Makapangyarihang Allah ay nagwika,
“At katunayan binigyang-dangal namin ang mga Anak ni Adan, at Kami ay dinala sila sa kalupaan at karagatan, at pinagkalooban sila ng ipinahihintulot na mabubuting bagay, at kinatigan silang higit sa maraming mga nilikha Namin nang may tanda ng pagtatangi.” [Maluwalhating Qur’an 17:70]
Kaya ang mga matatanda, bilang mga anak ni Adan, ay kabilang sa mataas na katayuang ito, batay sa pangkalahatang kahulugan ng talatang ito.
Ang Pamayanang Muslim ay isang Pamayanang Nagmamahalan at Nagdadamayan
Si Allah ay nagwika sa Qur’an:
“Pagkatapos ay naging kabilang pa sa mga sumampalataya at nagpayuhan ng pagtitiis at nagpayuhan sa pagkaawa. Sila yaong mga kasamahan sa Kanan [i.e., mananahan sa Paraiso].” [Maluwalhating Qur’an 90:17-18]
Ang Propeta [sumakanya ang kapayapaan at mga biyaya] ay inilarawan ang mga mananampalataya bilang kagaya ng isang katawan. Siya ay nagwika,
“Ang kagaya ng mga mananampalataya sa kanilang pag-ibig sa isa’t isa, awa, pagdadamayan ay isang katawan; kung ang isang bahagi nito ay sumakit, ang buong katawan ay nagdaramdam.” [Muslim]
Ang Propeta ﷺ ay iniulat ding nagwika:
“Walang isaman sa inyo ang tunay na mananampalataya hanggang sa mahalin niya para sa kanyang kapatid kung ano ang minamahal niya para sa kanyang sarili.” [Al-Bukhari]
Siya ﷺ rin ay nagwika,
“Ang Pinakamahabagin ay nahahabag sa kanilang mga mahabagin. Maging mahabagin sa mga nilalang dito sa lupa upang Siya na nasa langit ay mahabag sa iyo.” [At-Tirmidhi]
Ang isang Muslim ay Naririyan para sa kanyang Kapatid
Si Ibnu Abi Ad-Dunya ay nagsalaysay mula kay Ibnu Umar na ang Propeta ﷺ ay nagwika,
“Ang pinakamamahal kay Allah sa mga tao ay ang siyang nagdudulot ng higit na pakinabang sa mga tao, at ang pinakamamahal sa mga gawain kay Allah ay gawing masaya ang isang Muslim, o hanguin ito sa kahirapan, o bayaran ang kanyang utang, pakainin kung nagugutom… Sinuman ang sinamahan ang kanyang kapatid para punan ang kanyang pangangailangan ay gagawin ni Allah na makatayo siya ng matatag sa Araw na ang lahat ng paa ay madudulas.” [At-Tabarani]
Ang Mananampalatayang Matatanda ay Mayroong Mataas na Katayuan sa Harapan ni Allah
Ang Propeta ﷺ ay nagwika,
“Walang isaman sa inyo ang nararapat humiling ng kamatayan o manalangin para dito bago pa man ito dumating sa kanya, dahil kapag ang isa sa inyo ay namatay, ang kanyang mabubuting gawa ay matatapos na, at walang nagpapahaba sa buhay ng mananampalataya maliban sa kabutihan.” [Muslim]
Ang Isang Muslim ay Dapat Igalang at Parangalan ang Matatanda
Ang Propeta ﷺ ay nagwika,
“Bahagi ng pagluwalhati kay Allah ay pagpaparangal sa ubaning Muslim.” [Abu Dawud]
Pagtatagubilin ng Mabuting Pakikitungo sa mga Magulang
Habang binibigyang halaga ng Islam ang paggalang para sa lahat ng matatanda sa lipunan, ang mga anak ay may natatanging tungkulin tungo sa kanilang mga magulang.
Ang Maluwalhating Qur’an ay nagpahayag:
“Ang iyong Panginoon ay nagtakda sa iyo na wala kang sasambahin bukod sa Kanya at sa magulang ay makitungo ng mabuti. Kung inabutan sa piling mo ng katandaan ang isa sa kanila o silang dalawa ay huwag magsalita sa kanila ng kahit “hmmp” o bulyawan sila, bagkus makipag-usap sa kanila ng may paggalang. Ang ipadama sa kanila ang pakpak ng kababaang-loob na bahagi ng awa. At sabihin, “Panginoon ko, kaawaan Mo sila dahil inaruga nila ako noong ako ay maliit pa.” [Maluwalhating Qur’an 17:23-34]
Sa mga talatang ito, ang kabutihang tungo sa mga magulang ay binanggit kasama ng paniniwala sa Isang Diyos. Ang dalawang talatang ito ay nagpapakita ng pagmamahal, paggalang at diwa ng pananagutan na ang Islam ay iniatang sa mga mananampalataya para sa kanilang mga magulang.
“Ang isang lalaki ay dumating sa Propeta ﷺ at nagsabi, ‘O Sugo ng Diyos! Sino sa mga tao ang pinakakarapat-dapat sa aking mabuting pakikitungo?’ Ang Propeta ﷺay nagwika: ‘Ang iyong ina.’ Ang lalaki ay nagsabi, ‘Pagkatapos ay sino?’ Ang Propeta ﷺ ay nagwika: ‘Ang iyong ina.’ Ang lalaki ay muling nagsabi, ‘Pagkatapos ay sino?’ Ang Propeta ﷺ ay nagwika: ‘Ang iyong ina.’ Ang lalaki ay muling nagtanong, ‘Pagkatapos ay sino?’ Ang Propeta ﷺ ay nagwika: ‘Pagkatapos ay ang iyong ama.’” [Hadith mula kay Bukhari at Muslim]
Ang Propeta ﷺ ay itinakda na ang mga magulang ay may karapatang sundin ng kanilang mga anak. Sa isa sa kanyang mga salaysay, ang Propeta ﷺ ay nagpahayag na ang mga malalaking kasalanan ay ang maniwalang ang Diyos ay may katambal, pagsuway sa magulang, pagpatay, pagsaksi sa kasinungalingan. [Bukhari at Muslim]
Ginawang tungkulin ng Islam para sa mga anak na tustusan ang kanilang mga magulang sa panahong ang mga anak ay nawalay na.
Ang Pagpaparangal sa mga Magulang ay Patuloy Kahit Pagkatapos ng Kanilang Pagpanaw
Si Muslim ay nagsalaysay mula kay Abdullah ibnu Umar na isang lalaki mula sa mga Bado [taong disyerto] ay nakatagpo niya sa daan patungo sa Makkah. Binati siya ni Abdullah ng salam [Islamikong pagbati], pinaangkas siya sa asno na sinasakyan niya, at ibinigay niya dito ang turban na suot niya sa kanyang ulo. Si Ibnu Dinar ay nagsabi: ‘Sinabi namin sa kanya, “Gabayan ka nawa ni Allah, sila ay mga Bado lamang at sila ay panatag na sa mga bagay na payak.”’ Si Abdullah ay nagsabi, “Ang ama ng taong ito ay malapit na kaibigan ni Umar Ibnul Khattab at narinig ko ang Sugo ﷺ ni Allah na nagwika, ‘Ang pinakamainam na pagpaparangal sa isang magulang ay panatilihin ang pakikipag-mabutihan sa mga kaibigan ng kanyang ama.’
Ito ay isa sa mga anyo ng pangangalaga sa matatanda sa Islam. Kapag ang miyembro ng pamayanang Muslim ay dinalaw ang mga kaibigan ng kanyang mga magulang ay tinutulungan niyang ibilang ang mga matatanda sa pamayanan at winawakasan niya ang pagsasantabi na kanilang nararamdaman, na kung saan ay binabawasan nito ang dulot ng panlipunan at sikolohiyang pagbabago na pinagdadaanan ng matatanda.
Dangal – Isang Pangunahing Karapatang Pantao
Ang pagdadamayan at paggalang tungo sa matatanda ay isang mahalagang bahagi ng Islamikong pag-uugali. Ang Propeta ﷺ ng Islam ay maliwanag na nagpahayag:
“Siyang hindi malambing sa kabataan at walang galang sa matatanda ay hindi kabilang sa atin.” [Tirmidhi]
Sa gulong ng buhay, ang kabataan at pagtanda ay panandalian lamang, para sa isang bata, ay katiyakang tatanda isang araw. Ang Islam ay pinaaalalahanan ang kabataan ng pangunahing katotohanan ng kalikasan ng tao, sa pamamagitan ng pahayag ng Propeta ﷺ na kanyang sinabi,
“Kung ang isang bata ay pinarangalan ang isang matanda ng dahil sa kanyang edad, ang Diyos ay magtatalaga ng isang magpaparangal sa kanya sa pagtanda niya.” [At-Tirmidhi]
Nawa’y tulungan tayong lahat ng Diyos, para maisakatuparan ang ating mga tungkulin tungo sa ating matatanda, na mahalin at igalang sila dahil nararapat silang mahalin at igalang, at para magpakita ng isang mabuting halimbawa para sa ating sariling mga anak.