Ang buhay dito sa mundo ay maraming pagsubok na dapat malampasan ng bawat tao. Ating alamin na ang pagsubok na igagawad sa atin ng Diyos ay hindi para hamakin ang bawat isa sa atin, bagkus kabalikat ng pagsubok na ito ay kabutihan sa isang tao kung paano niya pasalamatan ang kanyang Panginoon at paano niya tanggapin ang mga aral at alituntunin na itinuro ng Diyos. Sa mga pagsubok ay nagiging malakas ang loob ng isang tao at nagiging matatag anumang pagsubok ang igawad sa kanya ng Diyos, at kung naging maayos ang pakikitungo ng isang tao at bukal ang kanyang pagtanggap sa mga pagsubok na ito, at siya ay nagsumikap na mayakap ang katotohanan, igagabay siya ng Diyos dito ng may kapatanatagan sa kanyang puso at isipan. Tunghayan natin ang isang bagong yakap sa Islam, sa kabila ng mga pagsubok na dumatal sa kanyang buhay, siya ay naging matatag at nagpatuloy na magsaliksik ng kaalaman hanggang makita niya ang liwanag ng Islam at kanyang malugod na sinabi “ Tinanggap ko ang Islam sa aking Buhay “, siya si Jonathan Ruiz sa kanyang pagsasalaysay.
Ang Aking Relihiyon
Ako ay si Jonathan Ruiz Lumaki ako sa lugar na malakas ang impluwensya ng romano katoliko, ang lolo ko ay relihiyoso na pinag-halo ang animismo. Ang masasabi ko ay naranasan ko ang mamuhay ng luho at ang ama ko ay hindi naniniwala sa Diyos dahil isa siyang marino, nalakbay na daw niya ang Roma at napamura siya sa nakita niya sa katotohanan kung ano ang Roma na sintro ng Romano Katolisismo sa mundo.
Ang ama ko ay lasingiro, nambababae at nagsusugal, walang pahalaga sa kanyang biyaya. Namulat ako sa mga kamalayang di-maganda, away ng magulang, inuman, kasiyahan at sugal.
Bata paman ako noon mahilig na ako sa mga kasaysayan ng mga paniniwala sa Diyos naaalala ko pa noon na nag-iipon ako ng mga imahe, ng mga santo at imahe ni kristo, ninais ko pang maging sakristan ngunit ayaw ng papa ko. Mahilig ako magbasa ng mga aklat tungkol sa sensiya, kasaysayan at relihiyon.
Mga pagsubok sa aking Buhay
Malakas ang paniniwala ko sa Diyos hanggang sinubok ng kapalaran ang aming pamilya. Nang nagbibinata na ako lumubog kami sa utang at unti-unting naubos ang naipundar ng ama ko at nalulong sa sugal ang ama ko at laging lasing. Sa mga panahon na iyon ay muntikan na akong di-makatapos sa pag-aaral ng High School. At dito tinakwil ko ang paniniwala sa Diyos, natuto akong maglasing at gumamit ng droga, mag-sugal at iba pang hindi kaaya-ayang gawain.
Sa panahon ding iyon naimpluwensyahan ako ng paniniwalang komunismo, sumasali ako sa mga pag-aaral pang rebulosyon, hanggang na dumating ang araw na nabuwag ang rebilyon sa aming lugar at nag-pasya akong mangibang lugar at napadpad ako ng luzon. Iniwan ko ang magulang ko, kapatid ko dahil napagtanto ko na kailangan kung lumayo sa amin dahil minsan kunang makasakitan ang ama ko dahil sa pakikipagtalo ko sa kanya at paninisi ko sa nangyari sa buhay namin. Naranasan ko ang makutya dahil sa nangyari sa aming pamilya. Nang nasa luzon ako doon ako nakatagpo ng babae na nakasama ko at nag-live in kami at di nagtagal ay nabuntis ko siya, at sa kasagsagan ng kanya pagdadalang tao napag pasyahan namin na doon siya manganak sa probinsya dala narin sa nakikita kung hirap ng buhay sa Maynila.
Nagtrabaho na ako sa isang pabrika, at dahil mahilig ako sa mga libro at mga babasahin napag-isipan ko ang bumili ng Bibliya ng Romano Katoliko. Mahigit isang taong libangan ko ang Bibliya halos nabasa ko lahat ang nakasulat, ngunit dala narin sa impluwensya ng komunismo lagi kung tinatanong ang sarili ko kung gaano ka tiyak na totoo ang mga nakasulat dito, at napagtanto ko ang iba na nakasulat dito ay totoo at ang iba naman ay kasinungalingan, at ang iba ay kasaysayan.
Hindi nabago ang ugali ko at isip bagkus lumala ang pilosopiya sa aking sarili na ang tao ang tagalikha ng kanyang katanyagan. Hindi naging maganda ang buhay ko sa pagtatrabaho dala narin siguro ng pangungulila sa mag-ina ko, lagi akong lasing at minsan napapasama sa mga gimik at dumating ang araw na napasali ulit ako sa pag-organisa ng isang unyon. At dala narin sa pagiging komunista dati napayabong ko iyon at nakuha ko ang simpatya ng iilan. Napasama ako sa kilusang radikal sa langsangan tuwing labor day, hanggang lumala ang papuri ko sa aking sarili, hangang napag-initan ako ng marami, pinahirapan ako at iniwan ako ng mga taong naniniwala sa akin. Napagpasyahan ko mag-retiro, umuwi ng probinsya at mamuhay kasama ang pamilya.
Nang nasa probinsya na ako napasok agad ako sa isang trabaho bilang maintinance sa barko. Sa mga panahon na ito ay nabago ang pananaw ko sa komunismo, at unti-unti ko itong tinalikuran, nalibang ako sa paglalakbay sa iba’t ibang sulok ng pilipinas, ngunit ang gawaing makasalanan ay nanatili kong gawain pakikipatalik sa bayarang babae, inom, sugal, kahambugan, droga at pagkakaroon ng mga armas. at walang katiyakan na paniniwala sa Diyos, dala narin ng teknolohiya.
Mga sandaling tinanggap ko ang Islam
Ganun pa man ay may nakilala ako sa facebook na isang balik islam, kahit hindi masyadong mahaba ang kanyang paliwag ay tinanggap ko ang Islam sa aking buhay, “Ako ay sumaksi na walang tunay na Diyos maliban sa Allah at Ako ay sumaksi na si Muhammad ay Kanyang alipin at huling sugo”. Nang tinanggap ko ang Islam sa hindi ko mapaliwanag na dahilan unti-unting nabago ang aking buhay. At mga ilang araw pagkatapos na tinanggap ko ang Islam ay dumating ang ipinadalang Qur’an sa akin at pinag-sikapan ko itong intindihin at unawain. Napa-mangha ako sa mga nakapaloob nitong mga salita, at nang matapos kong basahin ang buong Qur’an ay nag-alay ako ng pagdarasal at ako ay sumumpa sa Allah na kailanman Siya lamang ang sasambahin ko, at lumipas ang ilang buwan pinababa ako ng barko ng manager namin, binigyan ako ng posisyon at naging asst. supervisor ako, at nagmando ako ng 40 katao at agad akong natigil sa bisyo, napagsisihan ko ang lahat, at masaya ako na hindi ako tuloyang nadaig sa pagsubok sa aking buhay at napagtanto ko na mahal pala ako ng Allah kaya naman hindi ko pinagsisihan na tinanggap ko ang Islam bilang aking relihiyon.