Ano ang Islam?
Ipinagkakaloob namin ang bahaging ito para sa aming mga bagong kapatid upang sila ay magkaroon ng higit pang kaalaman patungkol sa mga Pangunahing Haligi ng Islam; ang relihiyon ng ganap na pagsuko sa isang Diyos; si Allah.
Kami ay taus-pusong umaasa na kayo ay makikinabang dito, at ito ay makapagpapalalim pa ng inyong kaalaman at makadagdag ng inyong pagkawili sa Islam. Bagama’t tayo ay namumuhay sa ikadalawampung siglo – na maaaring ang pinaka-sekular at di-relihiyosong panahon sa kasaysayan – marami sa atin ay nahihilig pa ring tumigil sa tuwi-tuwina na mag-isip tungkol sa relihiyon. Magkagayon pa man ay matatagpuan natin na mayroong napakaraming ibat-ibang mga pananaw tungkol sa relihiyon. Mga relihiyong tila baga panatikong kumakapit sa sariling mga paniniwala nito. Ang bawat isa ay salitang tila nag-aangkin na nagtataglay ng lahat ng katotohanan, habang ang ibang lahat ay naligaw sa walang pag-asang pagkakamali.
Sa panahong hinati-hati ng galit, digmaan at sigalot sa pagitan ng mga lipi, marami sa atin ang nanunumbalik sa relihiyon para sa gabay patungo sa kapayapaan at kapatiran at nadidismaya kapag natagpuan nating karamihan sa kanila ay hindi mapagparaya at makitid sa espirituwal.
Kaya maitatanong natin, may relihiyon ba na nagtuturo ng Kaisahan ng Diyos at kaisahan ng mga tao, at gayunman, ay mapagparaya din sa ibang mga pananaw? Ito mismo ang aral ng Islam. Katunayan, ang Islam ay nagtuturo na ang mensaheng ito ng Kaisahan ng Diyos at ang kapatiran ng lahat ng lipi ang orihinal na mensahe na ipinadala ni Allah sa lahat ng mga propeta at mga relihiyon simula noon pang pasimula ng kasaysayan ng sangkatauhan.
Gayunman, ang tao ay binago ang orihinal na aral na ito ng Kaisahan at pinagyaman mula sa ilang parehong mga sektang nagsasalungatan. Kagaya ng winika ni Allah sa Maluwalhating Qur’an, ang kapahayagan ni Allah kay Propeta Muhammad [sumakanya ang kapayapaan at mga biyaya]:
“Katunayan ang Ummah ninyo ay isang Ummah at Ako ang inyong Panginoon, at Tagatustos: magkagayon matakot sa Akin. Ngunit ang tao ay pinutol ang kanilang ugnayan [ng pagkakaisa], sa pagitan nila patungo sa mga sekta: ang bawat kalipunan ay nagbubunyi sa kanilang nakamit.” [Maluwalhating Qur’an 23:52-53]
Ang Islam ay patuloy na iniingatan ang mga aral na ito ng Kaisahan ng Diyos at ang kapatiran ng lahat ng mga tao. Ang Islam ay naghahangad na maipatupad ang diwa nito sa lahat ng mga lipi, na bagaman nananatiling mapagparaya at magalang sa lahat ng makalangit na mga relihiyon at kanilang mga tagasunod na nakikibahagi sa paniniwala rin sa Nag-iisa at tanging Diyos. Ang Maluwalhating Qur’an ay nagtuturo ng:
Walang pilitan sa relihiyon. Tunay na luminaw na ang wasto sa kamalian. Kaya ang sinumang tumangging sumampalataya sa diyus-diyosan at sumampalataya kay Allah ay nakakapit na sa hawakang matibay na walang pagkalamat. Si Allah ay Nakaririnig, Nakakaalam. [Maluwalhating Qur’an 2:256]
Ang Kahulugan ng Islam
Mali na tawagin ang Islam na Mohammadanismo, kagaya ng madalas na ginagawa sa Kanluran. Ipinaliwanag na natin na ang mga Muslim ay naniniwala na ang Islam ay ang walang hanggang mensahe na ipinadala ni Allah sa lahat ng mga propeta [sumakanilang lahat ang kapayapaan] mula pa sa pasimula ng sangkatauhan, at hindi bagong paniniwala na nagsimula kay Propeta Muhammad ﷺ.
Tinatawag ng mga Muslim ang kanilang relihiyon na Islam, ang katagang Arabe na Islam ay nagpapahiwatig ng pagkakamit ng kapayapaan sa pamamagitan ng pagsuko kay Allah. Ang katagang Muslim ay isang `pang-uri na hinango mula sa pangngalang Islam, at nagpapahiwatig na ang isang tao ay may kapayapaan sa kanyang sarili mula sa pagsuko niya kay Allah.
Naniniwala ang mga Muslim sa Nag-iisa, Walang Hanggang Diyos, na Siyang lumikha ng mga kalangitan at kalupaan at lahat ng umiiral. Sa Arabe, ang Diyos ay tinatawag na Allah. Ganap na walang pagkakaiba sa pagitan ni Allah at ang Diyos ni Abraham, Moises at Hesus [sumakanilang lahat ang kapayapaan]. Hindi naniniwala ang mga Muslim na si Propeta Muhammad ﷺ ang tanging Propeta; bagkus sila ay naniniwala na siya ang huli sa mga Propetang ipinadala ng Diyos. Ang Maluwalhating Qur’an ay ang ipinahayag at sagradong kapahayagan ng Islam, at ito ay nagtuturo ng:
Sabihin ninyo: “Sumasampalataya kami kay Allah at sa ibinaba sa amin at sa ibinaba kay Abraham, kay Ismael, kay Isaac, kay Hakob at sa mga lipi ng Israel, sa ibinigay kay Moises at kay Hesus, at sa ibinigay sa mga Propeta buhat sa Panginoon nila; hindi tayo nagtatangi-tangi sa sinuman sa kanila at sa Kanya tayo mga Nagsisisuko.” [Maluwalhating Qur’an 2:136]
Ilang Pangunahing mga Paniniwala sa Islam
Ang pinakapangunahing konsepto ng Islam at ang gulugod ng lahat ng mga saligan at kasanayan ay ang Kaisahan ng Diyos – tawhid. Ang Islam ay monoteismo sa pinakadalisay na anyo nito, at ang lohika ng dalisay na monoteismo ay ang ugat na gumagapang sa buong katawan ng Islamikong pamamaraan ng buhay.
Ang Islam ay nagtuturo ng isang pangunahing pagkakaiba sa pagitan ni Allah, ang Tagapaglikha at yaong mga nilikha Niya. Ang kalangitan, ang buwan, ang mga buntala, ang kaayusan at kaganapan ng kalikasan ng mundo, ang pagpapala at ganda ng katawan ng tao at kahusayan ng isip ng tao, ang pagsasalitan ng araw at gabi, ang pagpapalit ng mga panahon, at ang hiwaga ng buhay at kamatayan ay lahat tinutumbok ang isang bagay na hindi mawari, higit na dakila sa kanilang mga sarili. Sa mga mananampalataya ang lahat ng ito ay mga tanda [ayah] ni Allah.
Ang Islam ay nagtuturo na si Allah ay hindi maitutulad sa anumang Kanyang nilikha. Siya ang Makapangyarihan sa lahat, Nakababatid ng lahat. Siya ay lagpas sa anumang kakulangan, at ang kaganapan ng lahat ng Kasakdalan.
Siya ay hindi bagay, hindi rin Siya kagaya ng anumang Kanyang mga nilikha. Siya ay hindi isang napakalayo at nang-iiwang Diyos ni isang hindi malapitang Diyos. Siya ay Mapagbigay sa lahat, Maawain sa lahat, at Mabuti sa lahat.
Ang Islam ay nagtuturo na si Allah ay walang hanggan. Siya sa Kanyang sarili ay hindi ipinanganak, o kaya Siya ay nagkaanak ng lalaki o babae. Ang Islam ay hindi tinatanggap ang konsepto ng pagkakatawang-tao ng Diyos, na matatagpuan sa Hinduismo, Kristiyanismo, at ibang mga relihiyon, at naniniwala na ang kosepto ng pagkakatawang-tao ay binibigyan ng hangganan ang konsepto ng Diyos at ginigiba ang pananalig ng mananampalataya sa Diyos na Umiiral at Sakdal.
Ang Qur’an ay isinalarawan si Allah na isang sakdal at umiiral:
Si Allah, walang Diyos kundi Siya, ang Buhay, ang Tagapag-aruga. Hindi Siya natatangay ng antok ni ng pagkatulog. Kanya ang anumang nasa mga kalangitan at ang anumang nasa kalupaan. Sino nga ang makapamamagitan sa Kanya nang walang kapahintulutan Niya? Nalalaman Niya ang hinaharap nila at ang nakaraan nila. Wala silang matatalos sa anuman mula sa kaalaman Niya maliban sa ninais Niya. Nasaklawan ng luklukan Niya ang mga langit at ang lupa. Hindi nakabibigat sa Kanya ang pangangalaga sa mga ito. Siya ay ang Mataas, ang Pinakadakila. [Maluwalhating Qur’an 2:255]
Ang Islam ay tinatanggihan ang palagay na si Hesus [sumakanya ang kapayapaan] ay anak ng Diyos. Datapwat pinaparangalan at iginagalang siya bilang isa sa mga dakilang sugo at propeta ni Allah para sa Angkan ni Israel.
Ang Islam ay tinatanggihan ang konsepto ng trinidad at itinuturing itong isang pagsalungat sa dalisay na monoteismo. Ang usapin na ang Diyos ay ginawa ang Sarili na magkatawang-tao na si Hesus [sumakanya ang kapayapaan], upang ang Diyos ay makilala ng mga tao, at ganundin tinatanggihan ang usaping ito na si Hesus [sumakanya ang kapayapaan] ay namatay sa krus para sa mga kasalanan ng sangkatauhan. Bilang panimula, ang Islam ay naniniwala na ang tao ay makikilala si Allah at maramdamang malapit sa Kanya sa pamamagitan ng tumpak na pagdarasal, pag-aayuno, kawanggawa, pagdalaw [sa Makkah], at mabubuting gawa. Ang pinakagawi ng Islam ay para dalisayin ang kaluluwa ng mananampalataya at para ilapit sila kay Allah. Tungkol naman sa pangalawang usapin, ang Islam ay nagtuturo na walang tao ang magdadala ng pasanin na tungkulin ng iba.
Si Allah ay ganap na nababatid ang ating mga kahinaang pantao at kapintasan. Hindi Niya tayo kinokondena dahil tayo ay nilikhang may kakulangan; bagkus ginagabayan Niya tayo para sa pansariling kaganapan at pinatatawad Niya tayo at isinaboy Niya ang Kanyang Habag sa atin kung tayo ay nagkamali at pagkatapos ay hilingin ang Kanyang kapatawaran ng taus-puso.
Ang mga Muslim ay naniniwala sa banal na pinagmulan ng Luma at Bagong Tipan, bagaman ang mga Muslim ay nagdududa sa makasaysayang pagkatotoo ng ilang mga bahagi ng Luma at Bagong Tipan at hindi naniniwala sa mga ito bilang ganap na kinatawan ng orihinal na ipinahayag ni Allah. Ang Qur’an ay pinanghahawakan ang ganitong pananaw sa teksto ng Luma at Bagong Tipan daang taon na nakalipas, at sa kasalukuyang mga taon, ang pananaw na ito ay pinanghawakan ng pag-aaral sa teksto ng mga pantas ng biblia. Naniniwala ang mga Muslim sa mga Anghel ni Allah, at sa Kanyang mga Propeta [sumakanila ang kapayapaan]. Sila ay naniniwala sa muling pagkabuhay ng mga patay sa katapusan ng mundo; sila ay naniniwala sa darating na Araw ng Paghuhukom at buhay na walang hanggan sa Paraiso o Impiyerno.
Bagaman ang mga Muslim ay naniniwala na si Allah ay Makapangyarihan sa lahat at may ganap na kapangyarihan sa Kanyang mga nilikha, sila rin ay naniniwala na si Allah ay nilikha ang tao na may kalayaang magpasya at kakayahang mamili at kumilos, at si Allah ay makatarungan na gawin ang tao na may pananagutang moral sa kanyang mga ginawa sa panahon na siya ay nabubuhay. Hindi tama na sabihing ang Islam ay nagtuturo sa mga tagasunod nito na sumang-ayon na lang ng tahimik at tanggapin ang anumang kanilang kapalaran o kahihinatnan. Sa halip ang Islam ay hinahamon ang mananampalataya na makipagpunyagi laban sa masama at paniniil at magsikap para maitatag ang katuwiran at katarungan.
Pagsasabuhay Sa Pananampalataya
Ang pananampalataya na walang gawa ay patay. Ang Islam ay nagtuturo sa atin na ang pananampalataya sa sarili nito ay hindi sapat hanggang sa ito ay maisakatuparan sa gawa. Ang Propeta Muhammad ﷺ ay nagwika:
“Ang pananampalataya ay hindi nakabatay sa pagtataas ng pag-asa, ngunit ito ay isang bagay na matibay na naitatag sa puso at ito ay pinatunayan sa pamamagitan ng gawa. Katotohanan, may mga taong nalinlang ng kanilang mga pag-asa, kung kaya sila ay lumisan sa mundong ito ng walang halaga. Parati nilang sinasabi, ‘Mayroon kaming mabuting inaasahan mula kay Allah.’ Gayon pa man nilinlang lamang nila ang kanilang mga sarili. Dahil kung talagang naglagak sila ng mabuting pag-asa mula kay Allah, sila ay tunay na nanguna sa mga mabubuting gawa.”
Ang bawat Muslim ay tinuruan na siya ay may pansariling pananagutan para sa kanyang mga gawa, kapwa dito sa mundo at sa kabilang-buhay. Ang Islam ay nagtuturo na ang bawat tao ay dapat na pasanin ang pananagutan ng kanyang sariling mga gawa at walang iba na magpapasan ng tungkuling para sa kanila.
Ang Katayuan ng Kababaihan sa Islam
Ang Islam ay nagtuturo na ang babae ay hindi likas na mababa sa lalaki; bagkus ang lalaki at babae ay magkatulad sa kalikasan. Silang pareho ay pantay sa kaisipan at espiritwal na kakayahan. Karagdagan pa, sila ay kapwa pantay na mananagot para sa kanilang mga gawa sa harapan ni Allah
Katotohanan rin na ang Islam ay itinuturing ang babae na mayroong isang pangunahing ginagampanan sa lipunan at pamamahala sa pamilya. Ang Islam ay nilalagyan ng malaking pagpapahalaga ang ginagampanan ng babaeng Muslim bilang asawa at partikular bilang ina, at ang mga Muslim ay madalas sa pananaw na ang pinakamainam na lugar para sa babae ay sa tahanan kasama ang mga anak at pamilya. Gayunpaman, ang babaeng Muslim ay hindi pinagbabawalan mula sa paglabas ng kanyang tahanan para sa edukasyon, pagtuturo, o ibang mahalaga at nakakatulong na mga layunin na makikinabang hindi lang siya bagkus ganundin ang lipunan. Ang Qur’an ay itinatatag ang pagkakapantay sa espiritwal at tungkulin sa isat-isa ng lalaki at babae sa mga talata kagaya ng mga sumusunod:
“Ang mga gumawa ng mga matuwid, maging lalaki man o babae habang siya ay sumasampalataya, ang mga iyon ay magsisipasok sa Paraiso at hindi sila gagawan ng paglabag sa katarungan ni katiting man.” [Maluwalhating Qur’an 4:124]
“Kaya naman tinugon sila ng kanilang Panginoon, [na nagsabi,] “Tunay na Ako ay hindi magpapawalang kabuluhan sa gawa ng gumagawa na kabilang sa inyo, maging lalaki man o babae; kayo ay buhat sa isa’t isa..” [Maluwalhating Qur’an 3:195]
Ang ugnayan ng lalaking Muslim sa kanyang asawa ay hindi yaong panginoon sa alipin. Bagkus ang lahat ng tungkulin sa pananalaping pagtustos ay inilagay sa mga balikat ng lalaki lamang at hindi siya makakapagtakda sa kanyang asawa na siya rin ay kumita para magtustos sa pamilya, bagaman magagawa niya ito kung kanyang nanaisin.
Ang Qur’an ay ipinahayag ang tungkuling ito ng kalalakihan sa kababaihan sa mga sumusunod na talata:
Ang mga lalaki ay mga tagapangalaga ng mga babae sapagkat itinangi ni Allah ang mga lalaki kaysa sa mga babae dahil gumugugol sila para sa mga babae ng mula sa kanilang mga yaman. Samakatuwid ang mga mabuting babae ay mga masunurin, mga tagapag-ingat kapag wala ang mga asawa yamang iningatan din sila ni Allah. [Maluwalhating Qur’an 4:34]
Ang mahalagang punto na nararapat gawin ay mayroon ang Islam ng dakilang paggalang para sa babae. Hindi ito nagtuturo na siya ay walang kaluluwa o na siya ay ugat ng lahat ng kasamaan o na siya mababa kaysa lalaki at dapat ikulong at supilin. Mainam rin na banggitin na ang Qur’an ay hindi nagtuturo na ang tao ay nahulog mula sa Paraiso dahil sa panunukso ni Eba. Bagkus ang Qur’an ay itinuturo ang lahat ng pananagutan patungo kay Adan mismo, at karagdagan na rin na si Allah ay bumaling kay Adan ng awa at pagpapatawad sa kanyang kasalanan. Samakatuwid, ang kasalanan ni Adan ay natapos na sa kanyang sarili, at si Allah, ang Pinakamapagpala at Maawin, ay hindi papapanagutin ang sangkatauhan para sa kasalanan ni Adan.
Hindi natin maitatanggi na ang kalagayan ng kababaihan ay may mga pagkakataon na nakakalungkot sa daigdig ng kamusliman, gayundin naman sa ibang dako ng daigdig sa kabuuan. Hindi natin hinahangad na bigyang katuwiran ang mga pangyayaring ito, bagkus para lamang bigyang punto na hindi ito nagmula sa mga aral ng Islam mismo.
Kapatiran at Pagkakapantay ng Sangkatauhan
Ang Islam ay nagtuturo na ang pamilya ng sangkatauhan ay isa, na walang kahigitan ang maputi sa maitim o ang maitim sa maputi. Ang Islam ay sukdulang tinatanggihan ang lahat ng maling pananaw ng pagtatangi ng lahi at nagtuturo na ang tanging batayan ng pagkakaiba sa pagitan ng mga tao ay ang kanilang pansariling katangiang moral.
Ang konsepto ng Islamikong kapatiran ay may dalawang pangunahing anyo; ang ugnayang Muslim sa Muslim at ang ugnayang Muslim sa mga di-Muslim. Para sa unang pangkat ang Islam ay nagtuturo na ang kapatiran sa pagitan ng lahat ng mga Muslim ay dapat ganap at lubusan. Ang isang Arabe ay walang kalamangan sa di-Arabe, at dahil walang pastor o pagpapari sa Islam, ang lahat ng Muslim ay karaniwang pantay, mula sa taas hanggang baba, mula sa mayaman hanggang mahirap, mula sa may pinag-aralan at hindi nakapag-aral.
Para naman sa ugnayan sa pagitan ng mga Muslim at mga di-Muslim, ang aral ng Islam ay nararapat na isang ugnayang may paggalang sa bawat isa at partikular sa pagpaparaya. Kanais-nais na ang mga Muslim at mga di-Muslim ay namumuhay ng payapa, pinangangalagaan ang isat-isa, at nagtutulungan sa bawat isa. Kagaya ng sinasabi ng Qur’an:
“Walang pilitan sa relihiyon…” [Maluwalhating Qur’an 2:256]
at
“Para sa inyo ang inyong relihiyon at para sa akin ang relihiyon ko.” [Maluwalhating Qur’an 109:6]
Ang mga Muslim ay isinasaalang-alang ang kanilang relihiyon na makatuwiran at hindi nagbabago sa tagubilin ng naniniwala at makatuwirang isip. Karagdagan pa, ang Qur’an ay nagtuturo na ang kakayahang mangatuwiran ay isa sa pinakadakilang handog ni Allah sa tao, at ito ay naghihikayat sa atin na gamitin ang kakayahang ito at payabungin ito. Ang Islam ay hindi nag-uutos sa mga tagasunod nito na maniwala at pagkatapos ay pikit-matang sundin ang lahat at walang pagtatanong. Ang Qur’an ay nagsasabi, halimbawa:
“Kung kayo ay nasa isang pag-aalinlangan sa ibinaba Namin sa Lingkod Namin, magbigay kayo ng isang kabanata na tulad niyon at tawagin ninyo ang mga saksi ninyo bukod pa kay Allah kung kayo ay mga tapat.” [Maluwalhating Qur’an 2:23]
Ang Islam ay hinihikayat ang pangangatuwiran, isipan at pansariling pananaw. Ang Propeta ﷺ ay nagwika: “Ang pagkakaiba ng pananaw sa gitna ng mga marurunong sa aking mga tagasunod ay awa ni Allah.” Ang Islam ay may mataas na pitagan para sa pag-aaral ng agham at para sa pagsasaliksik ng tao sa mga hiwaga ng kalikasan at ng mga nilikha. Sa katunayan si Allah ay hinahamon ang mga tao sa maraming pagkakataon sa Qur’an para palalimin pa ang kanyang pananampalataya, kaalaman, at talino mula sa pag-aaral at pagmumuni-muni sa kalikasan, ang pagkakatugma nito, kaayusan at kagandahan. Halimbawa:
“Siya na lumikha sa pitong langit na nakapatung-patong. Hindi ka makakikita sa pagkakalikha ng Napakamaawain ng anumang kawalan ng pagtutugmaan. Panumbalikin mo ang paningin sa langit, may nakikita ka bang mga bitak? Pagkatapos ay panumbalikin mo pa ang paningin nang makalawang ulit, babalik sa iyo ang paningin mo na hamak samantalang ito ay pata.” [Maluwalhating Qur’an 67:3-4]
Ang pansariling kakayahan ng bawat isa at natatanging mga kakayahan ng tao ay isang handog ni Allah, na pagyayamanin, lulubusin, at gagamitin para sa pakinabang ng sangkatauhan. Ang Islam ay hindi sinusubukang wasakin ang kasarinlan ng mga mananampalataya nito, bagkus igabay ang bawat mananampalataya sa kaganapan at kadalisayan ng kanyang pamumukod-tangi. Ang dami ng pagpapakilalang ito at napagyamang mga katauhan ay pinauunlad ang lipunan at inilalagay ito sa isang higit na mataas na antas, kagaya ng kagandahan ng isang masalimuot subalit nagkakaisang arabesko.
Islamikong Kaugalian Tungo sa Digmaan
Sa paningin ng ilang mga komentarista ng Islam sa Kanluran, ang Islam ay inilarawan bilang isang mapandigmang relihiyon, isang relihiyon ng dugo, apoy at espada. Sinubukan na nating kunin ang pansin sa pangunahing pananagutan ng Islam para sa pagpaparaya at kalayaang panrelihiyon, at gayundin nagbigay puna sa pagpapahalaga ng Islam sa kapayapaan at pagtutulungan ng mga tao. Gayunman, ang Islam ay isang payak na relihiyon, isang relihiyon na hindi kailanman pinabayaan kahit isang saglit ang salimuot at mga pangangailangan ng marahas na mga katotohanan ng buhay.
Ang Islam ay pangunahing inaalala ang pagtatatag ng mga pamayanan na ang mga karapatan ng kalayaan sa paniniwala, karapatang pantao, at pangangalaga sa buhay, karangalan, at ari-arian ay napapangalagaan mula sa panloob at panlabas na mga banta.
Samakatuwid, ang Islam ay nagtuturo sa mga tagasunod nito na maging maawain at humilig sa pagpapatawad at kapayapaan maging sa panahon ng digmaan.
Ang Islam samakatuwid ay nagtatakda ng mga saligan na sinusunod ng mga Muslim dati, habang at pagkatapos ng digmaan. Ang kapayapaan ay itatayo batay sa katarungan. Ang mga Muslim ay hindi dapat maging mapusok o lumabag sa mga kasunduan na napagkasunduan nila sa iba, ngunit ang digmaan ay nararapat na ilunsad bilang tanggulan ng pamayanang Muslim at kung ano ang pinaninindigan nito. Sa panahon ng digmaan ay walang pagpatay sa mga sibilyan at yaong mga hindi tuwirang kasali sa digmaan. Ang mga bihag ay nararapat na pakitunguhan na makatao. Pagkawasak ng kalupaan, punong-kahoy, mga hayop, kabayanan at mga baryo ay dapat na iwasan. Ang mga Muslim ay nararapat na nakahilig sa kapayapaan kung ang kaaway ay tapat na naghahangad ng kapayapaan, at sila ay gagawa ng mga kasunduan at pakiki-isa para mapangalagaan ang kapayapaang yaon at pagkatapos ay maisakatuparan ang mga napagkasunduan hangga’t ang mga kaaway ay tinutupad ito. Ang konsepto ng ‘jihad’ ay isa sa pinakamataas na konsepto ng Islam. Ang kataga sa kadalasan ay isinasalin bilang ‘Banal na Digmaan’. Subalit ang salin na ito ay kulang para sa Jihad na nangangahulugan rin sa wika na ‘pagpupunyagi’. Ito ay isang konsepto na naglalagay ng madiing pagpapahalaga sa aktibismo at pagsasakripisyo ng sarili, bagama’t hindi lamang ito inilalapat sa digmaan. Ang Propeta ﷺ ay nagwika na ang pinakamalaking jihad ay ang pagsisikap ng Muslim na dalisayin ang kanyang sarili. Ang maliit na jihad ay binubuo ng lahat ng pagsisikap ng Muslim sa kanyang panlabas na buhay, kawanggawa, mabuting pamumuhay at mga gawa, ang patuloy na pagsisikap para makamit ang Tamang Landas sa kanyang pakikitungo sa kapwa tao. Ito ang tunay na pagpupunyagi sa Landas ni Allah.
Ang Limang Haligi ng Islam
Ang Islam ay nagtakda ng limang saligang tungkulin na sapilitan sa lahat ng mga Muslim, at gumawa ng balangkas, o mga haligi, ng kanyang buhay. Ito ay ang:
1. Maniwala sa Kaisahan ni Allah, ang pagsaksi sa paniniwalang ito sa pamamagitan ng mga kataga. “Ako ay sumasaksi na walang diyos maliban kay Allah, at si Muhammad ﷺay Kanyang Propeta at Sugo.”
2. Ang limang pagdarasal araw-araw sa madaling araw, katanghalian, kalagitnaan ng hapon, paglubog ng araw at sa gabi. Ang limang pagdarasal ay tinutulungan ang isang tao na pagyamanin ang pangingilag kay Allah sa kanyang pang araw-araw na buhay. Ang kahalagahan nito ay hindi maaaring pagmalabisan. Ito ay isang tuloy-tuloy na paalala sa mga mananamba sa Kabatiran at Kapangyarihan ni Allah at nakakatulong sa mananamba na panatilihin ang kanyang sarili at hindi maligaw mula sa Tamang Landas.
3. Ang pagkakaloob ng kawanggawa sa kapwa tao. Ang Islam ay naglagay ng pagpapahalaga sa pagbibigayan at kawanggawa bilang paraan ng pagdadalisay ng kaluluwa at paglapit kay Allah. Ang mga Muslim ay inutusan na magbigay ng kusa kung sila ay may kakayahan; gayunpaman siya ay may tungkulin sa bawat taon na magbigay ng sapilitang kawanggawa na dalawa at kalahating porsiyento ng kanyang taunang naipon na sobra sa kanyang pangangailangan, na mapupunta sa mga mahihirap at nangangailangan atbp. Ang Zakat – kawanggawa – sa gayon ay magagawang makaya ng pamayanang Muslim na pangalagaan ang lahat ng miyembro nito at tiyakin na walang isaman ang mapagkakaitan sa kanyang pangunahing karapatang mabuhay.
4. Ang pag-aayuno sa ikasiyam na buwan ng kalendaryong lunar na ‘Ramadan’. Ang pag-aayunong ito ay ipinag-utos sa mga Muslim na malusog at maayos ang pangangatawan na nasa tamang edad ng pangangatawan at hindi pinipigilan mula sa pag-aayuno ng ilang mga kalagayan kagaya ng paglalakbay, sakit, sakit sa katinuan, o ilang kalagayan ng kababaihan, buwanang dalaw o pagkapanganak. Ang pag-aayuno sa Ramadan ay nagsisimula sa madaling araw at nagtatagal hanggang sa paglubog ng araw. Sa panahong ito ang mga Muslim ay umiiwas mula sa pagkain, pag-inom, pakikipagtalik at paninigarilyo. Ang pag-aayuno ay nagtuturo ng disiplina sa sarili at pagpipigil, habang dinadalisay ang kaluluwa at katawan at pinalalakas ang pangingilag kay Allah ng isang tao.
5. Ang pagdalaw sa Makkah. Ang pagdalaw ay tungkulin ng lahat ng mga Muslim ng isang beses sa kanyang buhay, kung sila ay may kakayahang pinansiyal at kalusugan. Ang taunang pagdalaw sa Makkah ay isa sa pinakamalaking kaganapan sa daigdig ng kamusliman, pinagkakaisa ang mga Muslim mula sa bawat lipi at mula sa bawat sulok ng mundo. Ito ay dakilang karanasan sa buhay ng isang Muslim na binibigyang kakayahan siya na mapalapit kay Allah. Nais naming paalalahan ang mambabasa na ang Banal na Masjid sa Makkah ay itinayo ni Propeta Abraham at kanyang anak, si Propeta Ismael [sumakanilang lahat ang kapayapaan].
Sino ang Muslim?
Dahil walang pagpapari sa Islam, walang pastor at walang opisyal na institusyong panrelihiyon, ang gagawin ng lahat para maging isang Muslim ay makumbinsi ang sarili ng katotohanan na itinuturo ng Islam at sumaksi na “Walang ibang diyos maliban kay Allah, at si Muhammad ﷺ ay Kanyang Propeta.”
Isa sa dakilang kagandahan ng Islam ay ang kapayakan nito, kalikasan nito, at ang kakulangan ng pormalidad nito. Ang Islam ay ang relihiyon ni Adan at ng mga tao sa pinakauna at pinakanangungunang baytang ng pagpapayabong. Si Allah ay nagwika sa Maluwalhating Qur’an:
“Kaya panatilihin mo ang mukha mo sa Relihiyon bilang isang makakatotohanan. Sundin ang Kalikasan ng Pagkalalang ni Allah na nilalang Niya ang mga tao ayon doon. Walang pagpapalit sa pagkakalikha ni Allah. Iyan ang matuwid na Relihiyon, ngunit ang higit na marami sa mga tao ay hindi nakaaalam.” [Maluwalhating Qur’an 30:30]