Home Pangunahin Propeta Muhammad Propeta Muhammad mula A hanggang Z

Propeta Muhammad mula A hanggang Z

Propeta Muhammad mula A hanggang Z

Halos lahat ng nasa daigdig ngayon ay pinag-uusapan si Propeta Muhammad [sumakanya ang kapayapaan at mga biyaya]. Ang mga tao ay gustong malaman, “Sino ba talaga siya?” “Ano ang kanyang itinuturo?” “Bakit labis siyang minamahal ng marami at labis na kinasusuklaman ng iba?” “Namuhay ba siya sa kanyang sinasabi?” “Siya ba ay banal na tao?” “Siya ba ay propeta ng Diyos?” “Ano ang katotohanan tungkol sa taong ito – si Muhammad?”


Paano natin matutuklasan ang katotohanan at maging ganap na matapat sa ating paghatol?

Sisimulan natin sa napakasimpleng mga patunay sa kasaysayan, katotohanang isinalaysay ng libo-libong mga tao, karamihan sa kanila ay talagang kilala siya. Ang mga sumusunod ay batay sa mga aklat, kasulatan, teksto at mga patunay ng nakasaksi, napakaraming nakatala dito, at lahat ng yan ay naingatan sa tunay na anyo sa paglipas ng mga siglo ng kapwa mga Muslim at mga di-Muslim.

Si Muhammad ibn [anak ni] Abdullah ibn [anak ni] Abdul Muttalib, ay ipinanganak sa taong 570 C.E. [Christian Era] sa Makkah, Felix Arabia [ngayon: Saudi Arabia] at siya ay namatay noong 633 C.E. sa Madina [Siyudad ng Propeta] na ngayon ay sakop ng Saudi Arabia.

A. Ang kanyang pangalan

Noong siya ay ipanganak, ang kanyang lolo, Abdul Muttalib, ay binigyan siya ng pangalan na Muhammad. At ito ay nangangahulugan na “kapuri-puri” o “pinupuri”. Kalaunan siya ay tinawag na “As-Siddiq” [ang Makatotohanan] ng lahat ng mga nakakabatid ng kanyang pagkamakatotohanan at likas na katapatan. Siya ay palaging nagsasabi lamang ng katotohanan. Siya ay tinawag din na “Al-Amin” [ang Mapagkakatiwalaan] dahil sa kanyang integridad at palagian pagpapahalaga sa anumang pagtitiwalang ibinigay sa kanya. Nang ang mga tribu ay naglalaban sa isat-isa, ang bawat panig ay ipagkakatiwala sa kanya ang kanilang mga ari-arian sa panahon ng kanilang paglalaban, kahit pa ito ay maaaring laban sa kanyang sariling mga katribu, sa kadahilanang alam nila na siya ay palaging nagpapahalaga sa anumang pagtitiwalang ibinibigay sa kanya. Ang lahat ng kanyang pangalan ay nagpahiwatig sa pinakalikas ng isang taong pinuri sa kanyang katapatan, integridad at pagkamapagkakatiwalaan. Siya ay tanyag din na nagsusulong ng pagkakasundo ng pagkakamag-anak at ugnayan. Siya ay nagtagubilin sa kanyang mga tagasunod na palagiang igalang ang “ugnayan ng sinapupunan” [kapatiran at ibang malapit na kamag-anak].

Ito ay tumutugma sa mga propesiya na binanggit sa Biblia sa Ebanghelyo ni Juan talatang 14 at 16, na ang pagdating ng propeta na kilala bilang “Espiritu ng Katotohanan” o “Mang-aaliw” o “Tagataguyod”.

B. Isinilang na isa sa mga inapo ni Abraham [sumakanya ang kapayapaan at mga biyaya] mula sa panganay na anak, Ismael (Ismail sa Arabe) [sumakanya ang kapayapaan at mga biyaya] tungo sa marangal na tribu ng Kurays na sila ang mga pinuno ng Makkah sa panahon na yaon.

Ang lahi ni Muhammad ﷺ ay mababakas na direktang pabalik kay Abraham [sumakanya ang kapayapaan at mga biyaya].

Ito ay katiyakang tumutukoy sa kaganapan ng propesiya sa Lumang Tipan [Torah] sa Deutronomy 18:15 ng isang propeta, na kagaya ni Moises mula “sa kanilang mga kapatid”.

C. Pinanatili niya ang mga Kautusan ng Makapangyarihang Diyos, katulad ng kanyang mga lolo at mga propeta noong una na ginawa sa nakaraan [sumakanila ang kapayapaan].

Narito ang pangungusap mula kay Muhammad ﷺ habang ang Qur’an ay ipinapahayag sa kanya ni anghel Gabriel; Sabihin mo:

“Halikayo, bibigkasin ko ang ipinagbawal ng inyong Panginoon sa inyo: huwag kayong magtambal sa Kanya ng anuman; maging mabuti sa mga magulang; huwag ninyong patayin ang mga anak ninyo dahil sa kahirapan: Kami ang magkakaloob ng panustos sa inyo at sa kanila; huwag kayong lumapit sa mga kahalayan, maging iyon man ay hayagan o palihim; at huwag kayong kumitil ng buhay na ipinagbawal, maliban na lamang kung alinsunod sa katarungan.” Gayon ang ipinag-utos Niya sa inyo nang harinawa kayo ay makaunawa. [Maluwalhating Qur’an 6:151]

D. Si Muhammad ﷺ ay namuhay ng lubusang panata sa kanyang Paniniwala sa Isang Diyos, at ganun nga, sinamba niya ang nag-iisang Diyos lamang, na walang ibang “mga diyos” na katambal Niya.

Ito ang pinakaunang kautusan sa Lumang Tipan [Exodo Kabanata 20 at Deuteromio Kabanata 5] at ganundin sa Bagong Tipan [Marcos 12:29].

E. Si Muhammad ﷺ ay inutusan ang kanyang mga tagasunod na sundin ang Makapangyarihang Allah.

Siya ay nag-utos na sumunod sa mga Kautusan ayon sa ipinahayag sa kanya ni anghel Gabriel mula sa Makapangyarihang Allah. Basahin sa ibaba, isa sa maraming mga katulad na pangungusap mula sa Qur’an:

“Katotohanan, si Allah ay nag-uutos sa inyo na itaguyod ang katarungan, ang paggawa ng kabutihan at ang pagbibigay sa kamag-anak at ipinagbabawal Niya ang kahalayan [pangangalunya, pakikiapid atbp] at masamang ugali at pang-aapi. Pinagsabihan kayo, upang kayo ay makapag-isip.” [Maluwalhating Qur’an 16:90]

F. Si Muhammad ﷺ ay hindi kailanman nahulog sa mga karaniwang nakagawian ng kanyang mga katribu na pagsamba sa mga rebulto, dambana o gawang-tao na “mga diyos”.

Pinagbawalan niya ang kanyang mga tagasunod na huwag kailanman masangkot sa pagsamba na labas sa Nag-iisang Tunay na Diyos (Allah) ni Adan, Abraham, Moises at lahat ng mga propeta [sumakanilang lahat ang kapayapaan].

“Hindi nagkahati-hati ang mga binigyan ng Kasulatan kung hindi nang matapos na dumating sa kanila ang maliwanag na patunay. Hindi sila inutusan malibang sambahin nila si Allah na nag-uukol ng katapatan sa Kanya sa relihiyon [pagtalima o pagsamba] bilang mga makakatotohanan, at upang panatilihin nila ang pagdarasal at ibigay nila ang zakāh. Iyan ang Relihiyon na matuwid.” [Maluwalhating Qur’an 98:4-5]

Hinamak niya ang huwad na pagsamba sa anumang gawang-tao na mga diyos o mga imahe o anumang nilikha bilang diyos. Siya ay nasusuklam sa lahat ng pangpapagulo at pangmamaliit sa kung saan ito magtutungo.

Ito ay tahasang pagsunod sa pangalawang kautusan sa itaas na nabanggit na mga talata, “Huwag gumawa ng anumang mga larawang inukit.”

G. Si Muhammad ﷺ sa tuwina ay inilalagay ang Pangalan ng Diyos [Allah] sa pinakamataas na pedestal at hindi kailanman ginagamit ang Pangalan ng Diyos sa walang kabuluhan o sa anumang kapalaluang dahilan.

Pinagbawalan niya ang kanyang mga tagasunod sa paggawa ng katulad nito kailanman at hinikayat sila na gamitin ang mga pangalan tulad ng “Lingkod ng Makapangyarihang Diyos” [Abdullah].

H. Si Muhammad ﷺ ay pinanghawakan ang tamang pagsamba at mga ritwal ng kanyang mga ninuno, Abraham at Ismael [sumakanila ang kapayapaan].

Narito ang ilang bagay na mula sa pangalawang kabanata ng Qur’an. Basahing mabuti;

Banggitin noong si Abraham ay sinubukan ng kanyang Panginoon sa pamamagitan ng ilang mga salita at kanya namang ginampanan ang mga ito. Sinabi Niya: “Tunay na Akin kang itatalaga sa mga tao bilang isang pinuno.” Sinabi nito: “Kabilang ba ang mga anak [at inapo] ko?” Sinabi Niya: “Hindi sinasaklawan ng Aking pangako ang mga masasama.” “Banggitin noong ginawa Namin [Allah] ang Bahay [Ka’bah sa Makkah] bilang balikan [lugar na babalik-balikan] para sa mga tao at bilang pook ng katiwasayan. At gawin ninyong dasalan ang tinayuan ni Abraham. Inatasan Namin sina Abraham at Ismael na linisin nila ang Bahay Ko para sa mga lumilibot, mga nananatili, at mga yumuyukod at mga nagpapatirapa [sa pagsamba].” Banggitin noong nagsabi si Abraham, “Panginoon ko, gawin Mo ito na isang matiwasay na bayan at tustusan Mo ng mga bunga ang mga naninirahan dito: ang sinumang manampalataya sa kanila kay Allah at sa Huling Araw.” Sinabi Niya: “At ang sinumang tumangging sumamapalataya, pagtatamasain Ko muna siya nang sandali [na kasiyahan] at pagkatapos ay ipagtutulukan Ko siya sa pagdurusa sa Apoy, at kaaba-abang kahahantungan!” “Banggitin noong iangat ni Abraham ang mga pundasyon ng Bahay [Ka’bah sa Makkah], kasama si Ismael, ay nanalangin siya: “Panginoon Namin, tanggapin Mo ang gawang ito mula sa amin; tunay na Ikaw nga ang Nakaririnig, ang Nakaaalam;” O Panginoon namin, gawin Mo kami na mga Muslim [sumusuko] sa Iyo, gawin Mo ring kabilang sa mga inapo namin na isang kalipunang Muslim [sumusuko] sa Iyo, ipakita Mo sa amin ang mga pamamaraan ng pagdalaw [Hajj] namin sa Iyo, at tanggapin Mo ang pagbabalik-loob namin; tunay na Ikaw nga, Ikaw ang Tumatanggap ng pagbabalik-loob, ang Maawain. “Panginoon namin, magpadala Ka sa kanila ng isang Sugong mula sa kanila na bibigkas sa kanila ng mga Talata Mo at magtuturo sa kanila ng Aklat at Karunungan, at magdadalisay sa kanila. Tunay na Ikaw, Ikaw ay ang Makapangyarihan, ang Matalino.” Sino nga ba ang tataliwas sa pinaniniwalaan ni Abraham maliban sa nilinlang niya ang kanyang sarili? Talagang hinirang na Namin siya sa mundo at tunay na siya, sa Kabilang-buhay, ay kabilang sa mga matutuwid. Noong nagsabi sa kanya ang Panginoon niya: “Sumuko ka,” ay nagsabi siya: “Sumuko [nag-Muslim] ako sa Panginoon ng mga nilalang.” At itinagubilin ni Abraham ang pagsukong [Islam] ito sa mga anak niya at ni Jacob, na nagsabi: “O mga anak ko, tunay na si Allah ay humirang para sa inyo ng relihiyon kaya huwag nga kayong mamamatay maliban kung kayo ay mga Muslim [sumusuko] sa Kanya.” [Maluwalhating Qur’an 2:124-132]

I. Si Muhammad ﷺ ay isinagawa niya ang mga katulad ng ritwal ng pagsamba na matatagpuang ginawa ng mga naunang propeta sa kanya, pagyukod at pagpapatirapa habang nagdarasal at sumasamba.

Siya ay humaharap sa dako ng Jerusalem para sa kanyang mga pagsamba at inaatasan niya ang kanyang mga tagasunod na gawin din ito [hanggang Si Allah ay nagbaba ng kapahayagan kay anghel Gabriel upang palitan ang direksyon ng [Qiblah] na binanggit sa Qur’an].

J. Si Muhammad ﷺ ay nagtaguyod ng mga karapatan para sa lahat ng miyembro ng pamilya at espesyal na pakikitungo sa mga magulang, pareho ang ina at ama, ganundin ang karapatan para sa mga sanggol na babae, ulilang babae at katiyakan sa mga asawa din.

Ito ay batid mula sa Qur’an, si Muhammad ﷺ ay inutusan ang kanyang mga tagasunod na maging mabait at magalang sa kanilang mga magulang. Sila ay sinabihan na huwag magsabi kahit na, “uff” sa kanila habang pinangangalagaan sila sa kanilang katandaan. Basahin mula sa Qur’an:

At ang iyong Panginoon ay nagtakda sa iyo na wala kang sasambahin maliban Siya. At sa mga magulang ay makitungo ng mabuti. Alinman sa kanila o silang dalawa ay tumanda habang nasa pagkalinga mo, huwag sabihin sa kanila kahit na “uff”, at huwag mo silang pagtaasan ng boses bagkus kausapin sila ng may paggalang. [Maluwalhating Qur’an 17:23]

K. Si Muhammad ﷺ ang tagapag-tanggol ng mga ulila at kahit na ang mga bagong silang na mga bata.

Ipinag- utos niya ang pag-aalaga sa mga ulila at pagpapakain sa mga mahihirap bilang paraan upang makapasok sa Paraiso at kung sinuman ang pumipigil sa karapatan ng mga taong dukha, kalimutan na nila magpakailanman na makita ang Paraiso. At kanya din ipinagbabawal ang pagpatay sa mga bagong silang na batang babae, bilang dating kaugalian ng mga naunang kamangmang tradisyon ng mga arabo. Ito ay tinukoy sa Quran; na , sa Araw ng Paghuhukom silang nagsanay ng mga masasamang gawa ng pagkitil sa buhay ng kanilang sariling anak na mga babae, ay isisiwalat ito, ang Quran ay nagsabi:

“At kapag ang batang babae [sanggol] na inilibing ng buhay [kaugalian ng mga paganong Arabe bago ang Islam] ay tinanong; Sa anong kasalanan na siya ay pinatay.” [Maluwalhating Qur’an 81:8-9]

Silang mga gumugol ng kayamanan [sa Landas ni Allah] sa gabi at araw, ng lihim at hayag – sila ay tatanggap ng gantimpala sa kanilang Panginoon. At walang pagkatakot sa kanila, o pagdadalamhati. [Maluwalhating Qur’an 2:274]

L. Si Muhammad ﷺ ay ipinag-utos sa mga kalalakihan na huwag “ipamana ang mga kababaihan ng labag sa kanilang kagustuhan”, at huwag silang ipakasal malibang kapwa nagkasundo ang magkabilang panig at huwag kailanman hangarin ang kanilang mga kayamanan o mana para lang palaguin ang kanilang mga kalagayang pananalapi.

O kayong mga mananampalataya, hindi ipinahihintulot sa inyo na manahin ang kababaihan ng sapilitan. At huwag silang pahirapan para lamang mabawi ang bahagi ng ibinigay mo sa kanila maliban na sila ay gumawa ng maliwanag kahalayan. At makisama sa kanila ng mabuti. Kung sila ay hindi mo nagugustuhan – maaaring hindi mo magustuhan ang isang bagay at si Allah ay ginawa na higit ang kabutihan sa pamamagitan nila. [Maluwalhating Qur’an 4:19]

Mapupuna natin sa talatang ito, ipinagbawal Niya ang mga karaniwang nakasanayan na pananakit sa asawa at pang-aabuso, [ang sarili niyang asawa ay nagsabi na hindi niya kailanman sinaktan siya]

Siya ay hindi kailanman nasangkot sa pakikipagtalik sa labas ng kasal, o pinayagan ito, kahit pa nga ito ay palasak sa kanyang panahon sa Makkah bago ang Islam. Ang tanging relasyon niya sa kababaihan ay mga lihitimo, may kasunduan ng kasal na may mga saksi na naaayon sa batas. Ang kanyang relasyon kay Aisha ay nasa bigkis lamang ng kasal. Hindi niya ito pinakasalan sa unang pagkakataon na inialok ng kanyang ama ang kamay nito sa kanya na pakasalan. Pinakasalan lamang niya ito pagkatapos na marating ang sapat na gulang at makapagpasya sa kanyang sarili. Ang kanilang ralasyon ay naisalarawan ang bawat detalye ni Aisha mismo sa napakamapagmahal at magalang bilang pinag-tambal na tunay na gawa sa langit. Si Aisha ay itinuring na isa sa mga pinakamataas na pantas ng Islam at ang buong pamumuhay ay bilang asawa lamang ni Muhammad ﷺ. Hindi kailanman siya naghangad ng ibang lalaki, o nagsalita ng anumang masama laban kay Muhammad ﷺ.

M. Si Muhammad ﷺ ay nag-utos sa mga kalalakihan na “magtustos at mangalaga” sa kababaihan, kahit pa ito ay sariling ina, kapatid, asawa o anak na babae o kahit ang iba pa, kahit sila’y Muslim o hindi.

“Ang mga lalaki ay mga tagapangalaga ng mga babae sapagkat itinangi ni Allah ang mga lalaki kaysa sa mga babae dahil gumugugol sila para sa mga babae ng mula sa kanilang mga yaman. Samakatuwid ang mga mabuting babae ay mga masunurin, mga tagapag-ingat kapag wala ang mga asawa yamang iningatan din sila ni Allah. At ang mga babae na pinangangambahan ninyo ang kanilang pagsuway ay pangaralan muna ninyo, at kung tumanggi ay layuan ninyo sila sa mga higaan, at kung tumanggi pa rin ay saktan ninyo sila. At kung tumalima na sila sa inyo ay huwag na kayong maghanap ng paraan para makasakit sa kanila. Tunay na si Allah ang Kataas-taasan, ang Dakila.” [Maluwalhating Qur’an 4:34]

N. Si Muhammad ﷺ ay ipinagbawal ang pagpatay ng mga bata ng dahil sa kahirapan at ganundin ang pagpatay sa mga inosenteng tao.

Sabihin mo: “Halikayo, bibigkasin ko ang ipinagbawal ng inyong Panginoon sa inyo: huwag kayong magtambal sa Kanya ng anuman; maging mabuti sa mga magulang; huwag ninyong patayin ang mga anak ninyo dahil sa kahirapan: Kami ang magkakaloob ng panustos sa inyo at sa kanila; huwag kayong lumapit sa mga kahalayan, maging iyon man ay hayagan o palihim; at huwag kayong kumitil ng buhay na ipinagbawal, maliban na lamang kung alinsunod sa katarungan.” Gayon ang ipinag-utos Niya sa inyo nang harinawa kayo ay makaunawa. [Maluwalhating Qur’an 6:151]

O. Si Muhammad ﷺ ay hindi kailanman nangalunya, at ginawa niyang tungkulin sa mga tagasunod niya na tanging sa ipinahihintulot lamang na pag-aasawa makipagrelasyon sa kababaihan, at ipinagbawal ang pakikipagtalik sa labas ng Kautusan ng Makapangyarihang Allah.

Ang Demonyo ay nagbabanta sa inyo ng karalitaan at nag-uutos sa inyo na gumawa ng kahalayan; samantalang si Allah ay nangangako sa inyo ng kapatawaran mula sa Kanya at kabutihang-loob. Si Allah ay Malawak sa awa, Maalam. [Maluwalhating Qur’an 2:268]

Sabihin mo: “Ipinagbawal lamang ng aking Panginoon ang mga gawaing mahalay, ang anumang nakalitaw sa mga ito at ang anumang nakatago; ang kasalanan; ang paglabag sa karapatan nang walang katuwiran; ang tambalan ninyo si Allah ng anumang hindi naman niya pinababaan iyon ng patunay; at ang magsabi kayo hinggil kay Allah ng anumang hindi ninyo nalalaman.” Maluwalhating Qur’an 7:33]

At huwag lumapit sa kahayalan. Katotohanan ito ay kasalanan [malaking kasalanan] at daan ng kasamaan [magbubulid sa Impiyerno malibang patawarin ni Allah]. [Maluwalhating Qur’an 17:32]

Ang mapangalunya ay hindi mag-aasawa maliban sa [babae na] mapangalunya o Mushrikah [sumasamba sa mga diyus-diyosan] at walang mangangasawa sa kanya maliban sa mapangalunya o Mushrik [sumasamba sa mga diyus-diyosan] at [ang pag-aasawa sa ganyang tao] ay ginawang bawal sa mga mananampalataya. [Maluwalhating Qur’an 24:3]

Katotohanan, sinuman na minamahal ang ganyang kalaswaan ay nararapat na ipamalita sa mga mananampalataya, sila ay parurusahan ng masidhi sa mundong ito at sa Kabilang-buhay. At si Allah ay nakakaalam at hindi ninyo nalalaman. [Maluwalhating Qur’an 24:19]

O Propeta, kapag dumating sa iyo ang mga babaeng mananampalataya, na nangangako ng katapatan sa iyo na hindi sila magtatambal kay Allah ng anuman, hindi sila magnanakaw, hindi sila mangangalunya, hindi sila papatay ng mga anak nila, hindi sila magdadala ng isang kasiraang-puri na ginagawa-gawa nila sa pagitan ng mga kamay nila at mga paa nila at hindi sila susuway sa iyo sa anumang naaangkop ay tanggapin mo ang pangako ng katapatan nila at humingi ka ng kapatawaran para sa kanila kay Allah. Tunay na si Allah ay Mapagpatawad, Maawain. [Maluwalhating Qur’an 60:12]

Ang mga tao ay nagkasala ng pakikiapid at pangangalunya sa halos lahat ng lugar sa buong mundo sa panahon ni Muhammad, ganunpaman hindi niya ito ginawa kailanman, at pinagbawalan ang lahat ng kanyang mga tagasunod mula sa masamang gawaing ito.

P. Si Muhammad ﷺ ay ipinagbawal ang pagpapatubo sa pagpapautang, katulad ni Hesus [sumakanya ang kapayapaan] na ginawa ilang siglo bago pa siya.

Napakadaling maipakita kung paano ang pagpapatubo uubusin ang kayamanan at sirain ang sistema ng ekonomiya sa buong kasaysayan. Ganunpaman, katulad ng mga aral ng mga propeta ng una, si Muhammad ay pinigilan ang mga gawaing yaon ay napakasama at dapat na iwasan para magkaroon ng kapayapaan sa Tagapaglikha [Allah].

Ang mga nakikinabang sa ribā [patubuan at katulad nito] ay hindi babangon [sa Araw ng Paghuhukom] kundi gaya ng pagbangon ng hinahampas ng Demonyo dahil sa pagkabaliw. Iyan ay dahil sila ay nagsabi na ang pagbibilihan ay tulad lamang ng ribā. Ipinahintulot ni Allah ang pagbibilihan at ipinagbawal Niya ang ribā. Kaya ang sinumang dinatnan ng isang pangaral mula sa Panginoon niya ay tumigil na at sa kanya na ang nagdaan at ang pagpapatawad sa kanya ay nasa kay Allah na. Ang sinumang manumbalik [sa ribā], ang mga iyon ang mga mananahan sa Apoy; sila ay doon mananatili.

Aalisan ni Allah ng pagpapala ang ribā at palalaguin Niya ang pinagkunan ng mga kawanggawa. Si Allah ay hindi minamahal ang bawat tumatangging sumampalataya na makasalanan.

Tunay na ang mga sumampalataya, gumawa ng mga kabutihan, nagsagawa ng wastong pagdarasal at nagbigay ng zakah ay makakamit nila ang kanilang gantimpala sa kanilang Panginoon at walang pangambang mamumutawi sa kanila at hindi sila malulungkot.

O mga mananampalataya, mangilag kayong magkasala kay Allah at iwan ninyo ang anumang natira mula sa ribā kung kayo ay mga mananampalataya.

Ngunit kung hindi ninyo gagawin, pakaalamin ninyo ang pahayag laban sa inyo ng digmaan mula kay Allah at sa Kanyang Sugo. Kung magsisisi kayo ay para sa inyo ang mga puhunan ninyo. Hindi kayo gagawa ng paglabag sa katarungan at hindi kayo gagawan ng paglabag sa katarungan. [Maluwalhating Quran 2:275-279]

Q. Si Muhammad ﷺ ay hindi kailanman nagsugal at hindi ito pinayagan. Katulad ng patubuan, ang sugal ay winawaldas nito ang kayamanan sa napakabilis na paraan.

“Tinatanong ka nila hinggil sa alak at sugal. Sabihin mo: “Sa dalawang ito ay may malaking kasalanan at ilang mga kapakinabangan para sa tao subalit ang kasalanang dulot ng dalawang ito ay higit na malaki kaysa sa pakinabangan na dulot ng dalawang ito. At tinatanong ka nila kung ano gugugulin nila. Sabihin mo: “Ang kalabisan sa pangangailangan.” Ganyan nililinaw sa inyo ni Allah ang mga kapahayagan nang harinawa kayo ay mag-isip-isip.” [Maluwalhating Qur’an 2:219]

Ang sugal ay hindi itinuring na napakasama hangga’t sa dumating sa panahon ni Muhammad ﷺ. Ngayon, ito ay napagtibay na ang pinsala ng pagsusugal na dulot sa mga pamilya at kahit sa kalusugang pangkaisipan. Ang ideya ng pagkakaroon ng isang bagay mula sa wala ay hindi tamang paraan ng pamumuhay na ipinayo ng mga aral ni Muhammad ﷺ.

R. Si Muhammad ﷺ ay hindi kailanman uminom ng alak o nakakalasing na inumin kahit pa ito ay pangkaraniwang bagay sa mga tao sa kanyang panahon at lugar.

O mga mananampalataya, ang alak, ang sugal, ang mga dambana, at ang pagsasapalaran sa pamamagitan mga tagdan ng palaso ay kasalaulaan lamang na kabilang sa gawain ng Demonyo. Kaya iwaksi ninyo ito, nang harinawa kayo ay magtagumpay.

Hinahangad ni Satanas na pangyarihin lamang sa pagitan ninyo ang poot at ang suklam sa pamamagitan ng alak at sugal, at hadlangan kayo sa paggunita kay Allah at pagdarasal, kaya magsisitigil na ba kayo? [Maluwalhating Qur’an 5:90-91]

Ang mga Arabe, katulad ng karamihang kultura sa kanyang panahon, umiinom ng alak ng walang pag-aalala para sa kanilang kalusugan o sa kanilang masamang pag-uugali habang lango sa alak. Marami sa kanila ay gumon sa alak.

Sa mundo ngayon ay mayroon na lamang maliit na pangangailangan para ipakita ang mga mahabang talakayan sa kasamaan at panganib ng pag-inom ng alak. Bukod pa sa dahilan ng mga sakit at pagsira sa kalusugan ng tao, ang alak ay kadalasan inuugnay na dahilan ng maraming mga sakuna sa daan na nagbubunga ng pagkasira ng ari-arian, mga pinsala at mga kamatayan. Ang unang utos ay para sa mga tagasunod ni Muhammad ﷺ na iwasan ang pag-inom habang nasa pagsamba, pagkatapos ay dumating ang higit na pag-uutos na tuluyang iwanan ang pag-inom ng alak ng lahatan. Kaya, nagbigay ng panahon sa mga unang Muslims na tumigil mula sa kanilang pagkagumon sa alak.

S. Si Muhammad ﷺ ay hindi nasangkot sa tsismis o panlilibak at siya ay palaging tumatalikod palayo mula sa pakikinig ng anumang may kaugnayan dito.

O mga mananampalataya, kung may dumating sa inyo na isang suwail na may dalang isang balita ay linawin ninyo dahil baka makapaminsala kayo dahil sa kawalang kaalaman at pagkatapos ay magsisisi kayo sa nagawa ninyo. [Maluwalhating Qur’an 49:6]

O mga mananampalataya, huwag mangutya ang ilang mga lalaki sa ibang mga lalaki, baka ang mga kinukutyang ito ay mabuti pa sa kanila na nangungutya; at huwag mangutya ang ilang mga babae sa ibang mga babae, baka ang mga kinukutyang ito ay mabuti pa sa kanila na nangungutya. Huwag ninyong pintasan ang inyong mga kapwa at huwag kayong magtawagan ng mga taguring masama. Kaaba-abang pangalan ang kabuhungan matapos na ang pananampalataya ay nakamtan. Ang mga hindi nagbalik-loob, ang mga iyon ay ang mga lumalabag sa katarungan.

O mga mananampalataya, iwasan ninyo ang maraming paghihinala; tunay na ang ilan sa paghihinala ay kasalanan. Huwag kayong maniktik. Huwag libakin ng ilan sa inyo ang iba sa inyo. Iibigin ba ng isa sa inyo na kainin ang laman ng kapatid niya kapag patay na? Kasusuklaman ninyo ito. Mangilag kayong magkasala kay Allah, tunay na si Allah ay lagi ng Tumatanggap ng pagsisisi, Maawain. [Maluwalhating Qur’an 49:11-12]

Katiyakan, ang mga aral na ito ay maayos na kikilalanin sa mundong ito ngayon na matatagpuan nating halos lahat ay nasasangkot sa pinakamasamang tsismisan at pang-iinsulto ng iba, kahit na ang pinakamalapit na kamag-anak at mahal sa buhay.

T. Si Muhammad ﷺ ay ang pinakamapagbigay at hinikayat ang iba na gayahin din ito sa pakikisalamuha sa iba. Hinikayat pa sila na patawarin ang mga may utang sa pag-asang makatanggap ng higit na mabuting gantimpala mula sa kanilang Panginoon [Allah].

Kung may kagipitan ang nagkautang ay magbigay ng isang palugit hanggang sa kaluwagan; ngunit kung magkakawang-gawa kayo ay mainam para sa inyo, kung nalalaman lang ninyo. Pangilagan ninyo ang Araw na kayo ay ibabalik kay Allah at pagkatapos ang bawat kaluluwa ay tatanggap ng kabayaran sa kanyang ginawa at hindi sila gagawan ng kawalang katarungan. [Maluwalhating Qur’an 2:280-281]

S. Si Muhammad ﷺ ipinag-utos ang pagbabayad ng kawanggawa sa mga mahihirap at siya ay tagapagtanggol at tagapangalaga ng mga balo, mga ulila at mga manlalakbay.

Kaya naman ang ulila ay huwag mong apihin ni ang nanghihingi ay huwag mong itaboy. [Maluwalhating Qur’an 93:9-10]

Ang mga kawanggawa ay ukol sa mga maralitang nakatalaga sa Landas ni Allah; hindi nila magawang kumilos sa kalupaan upang maghanapbuhay; inaakala ng mangmang na sila [mga maralita] ay mga mayaman dahil sa pagpipigil na manghingi; makikilala mo sila sa tanda nila: hindi sila nanghihingi sa mga tao nang may pamimilit. Ang anumang gugugulin ninyo na salapi, tunay si Allah ay Nababatid ito. [Maluwalhating Qur’an 2:273]

U. Si Muhammad ﷺ ay tinuruan ang mga tao kung paano harapin ang pinakamatinding paghihirap at mga pagsubok na mangyayari sa kabuuan ng ating buhay.

Kanyang pinanghawakan na tanging sa pagtitiis lamang at sa kababaang-loob matatagpuan natin ang tunay na kalutasan at pagkaunawa sa mga kaguluhan at mga kabiguan sa buhay. Siya ang pinakamapagtiis sa lahat at uliran sa kanyang sariling kababaang-loob. Ang lahat ng nakakakilala sa kanya ay kailangan tanggapin na ito ay kanyang mga katangian.

O mga mananampalataya, humiling ng tulong kalakip ang pagtitiis at ang pagdarasal; tunay na si Allah ay kasama ng mga nagtitiis. [Maluwalhating Qur’an 2:153]

Ipinaliwanag niya na ang buhay na ito ay pagsubok mula kay Allah:

Talagang susubukin nga Namin kayo sa pamamagitan ng bagay na tulad ng pangamba, gutom, at kabawasan mula sa mga ari-arian, mga buhay, at mga bunga. Balitaan mo ng nakagagalak ang mga nagtitiis. [Maluwalhating Qur’an 2:155]

Na kapag dinadatnan sila ng isang kasawian ay nagsasabi sila: Tunay na tayo ay pag-aari ni Allah at tunay na tayo ay sa Kanya magsisibalik. [Maluwalhating Qur’an 2:156]

V. Si Muhammad ﷺ ay nag-ayuno ng ilang mga araw sa isang pagkakataon upang mapalapit pa sa Makapangyarihang Allah at lumayo mula sa kakitiran ng makamundong pagnanasa.

O mga mananampalataya, ginawang tungkulin sa inyo ang pag-aayuno gaya ng pagsasatungkulin nito sa mga nauna sa inyo nang harinawa kayo ay mangilag magkasala. [Maluwalhating Qur’an 2:183]

W. Si Muhammad ﷺ ay nanawagan para wakasan ang rasismo at tribalismo mula sa umpisa at katapusan ng kanyang misyon. Siya ay tunay na tagapamayapa sa lahat ng panahon at lahat ng tao.

O mga tao, tunay na Kami ay lumikha sa inyo mula sa isang lalaki at isang babae at gumawa sa inyo na mga bansa at mga lipi upang magkakilalahan kayo. Tunay na ang pinakamarangal sa inyo para kay Allah ay ang pinakamapangilag sa inyo sa pagkakasala. Tunay na si Allah ay Maalam, Nakababatid. [Maluwalhating Qur’an 49:13]

At sa isa pang talata ng Quran:

O mga tao, mangilag kayong magkasala sa Panginoon ninyo na lumikha sa inyo mula sa nag-iisang tao, at nilikha Niya mula rito ang kabiyak nito, at nagpalaganap Siya mula sa dalawang ito ng maraming kalalakihan at kababaihan. Mangilag kayong magkasala kay Allah, na sa pamamagitan Niya ay hinihingi ninyo [ang inyong mga karapatan], at sa mga kamag-anakan; tunay na si Allah sa inyo ay laging Tagapagmasid. [Maluwalhating Qur’an 4:1]

X. Tungkol sa pagpapanatili ng magandang ugnayan at pag-akay sa mga tao sa pagkakasundong muli pagkatapos na magkasira, ang Qur’an ay nagsabi:

Kung may dalawang pangkat mula sa mga sumasampalataya na nag-away-away ay gumawa kayo ng pagkakasundo sa pagitan ng dalawa; ngunit kung lumapastangan ang isa sa dalawa ang huli ay kalabanin ninyo ang lumapastangan hanggang sa bumalik ito sa Kautusan ni Allah. Kaya kung bumalik ito ay gumawa kayo ng pagkakasundo sa pagitan ng dalawa ayon sa katarungan, at maging makatuwiran kayo; tunay na si Allah ay minamahal ang mga makatuwiran.

Ang mga sumasampalataya ay walang iba maliban sa magkakapatid, kaya gumawa kayo ng pagkakasunduan sa pagitan ng mga kapatid ninyo at mangilag kayong magkasala kay Allah nang harinawa kayo ay kaawaan. [Maluwalhating Qur’an 49:9-10]

Y. Si Muhammad ﷺ ay itinurong si Hesus [sumakanya ang kapayapaan] ay ang dalisay na pagdadalang-tao at mahimalang isinilang ni Maria, at ang Diyos na Makapangyarihan sa Lahat ay bukod tangi siyang pinili sa lahat ng mga kababaihan ng sandaigdigan.

Kanyang ipinagpilitan kahit sa mga Hudyo ng Madinah, na si Hesus [sumakanya ang kapayapaan] ay ang Mesias, ang Kristo, ang inihula na darating sa kanilang Tawrah [Lumang Tipan]. Kanya ding itinuro na si Hesus ay gumawa ng maraming mga himala sa kapahintulutan ng Makapangyarihang Allah, pagpapagaling ng may ketong, pagpapadilat ng bulag, pagpapalakad ng lumpo at kahit ang pagbuhay ng isang patay, at siya [Hesus] ay hindi pa patay, bagkus ang Makapangyarihang Allah ay inangat siya sa langit. Kanya din hinulaang si Hesus ay magbabalik muli sa Huling Araw para pamunuan ang mga tunay na mananampalataya sa huling tagumpay laban sa mga masasama at hindi makatarungang tao, at papatayin niya ang Bulaang-Kristo.

Z. Si Muhammad ﷺ ay ipinagbawal ang anumang pagpatay, kahit pa ang kanyang mga tagasunod ay napapatay, hanggang sa ang utos ng pagganti ay dumating mula kay Allah.

Kahit pa man ang hangganan ay maliwanag na isiniwalat at tanging sila na mga nakikipaglaban sa mga Muslim o sa Islam ang didigmain. At kahit pa, dapat ay tanging naaayon lamang sa mahigpit na panuntunan mula kay Allah.

Load More Related Articles
Comments are closed.

Check Also

Bakit Sasambahin Ang Diyos?

Kapag nakamalas tayo ng kakaibang pagpapakita ng kakayahan ng isa sa ating mga bayani sa p…