Ang Islam ay pinaparangalan ang lahat ng mga propeta na ipinadala sa sangkatauhan. Ang mga Muslim ay iginagalang ang lahat ng mga propeta sa kabuuan, subalit natatangi si Hesus dahil siya ay isa sa mga propeta na nagbalita ng pagdating ni Muhammad ﷺ. Ang mga Muslim, ay naghihintay din sa pagbabalik ni Hesus. Kanilang isinasaalang-alang siya na isa sa pinakadakilang propeta ni Allah sa sangkatauhan. Ang Muslim ay hindi siya basta na lamang tinutukoy na “Hesus”, bagkus nakagawian na sabihin ang “sumakanya ang kapayapaan” bilang tanda ng paggalang.
Walang ibang relihiyon sa mundo ang gumagalang at nagpaparangal kay Hesus katulad ng ginagawa ng Islam. Ang Qur’an ay nagpatunay ng kanyang pagsilang mula sa birhen [isang kabanata sa Qur’an ay pinamagatang “Maria”], at si Maria ay itinuturing na isa sa mga pinakadalisay na babae sa lahat ng mga nilikha. Ang Qur’an ay nagsalarawan sa pagsilang ni Hesus katulad ng mga sumusunod:
“At [alalahanin] nang ang Anghel ay magsabi, ‘O Maria, katotohanan si Allah ay pinili ka at dinalisay ka at pinili ka sa lahat ng mga kababaihan sa mundo.’” [Maluwalhating Qur’an 3:42]
“[At alalahanin] nang ang anghel ay nagsabi, ‘O Maria, katotohanan si Allah ay nagbigay sa’yo ng mabuting balita ng isang salita mula sa Kanya, na ang pangalan ay Kristo, Hesus, anak ni Maria – kikilalanin sa mundong ito at sa Kabilang-buhay at kabilang sa mga malapit [kay Allah]. Siya ay magsasalita sa mga tao habang nasa duyan at sa kanyang paggulang at kasama ng matutuwid’. Siya ay nagsabi, ‘Aking Panginoon! Paano akong magkakaroon ng anak gayung walang lalaki na humawak sa akin?’ [Ang anghel] ay nagsabi, ‘Ganyan si Allah; Kanyang nililikha ang anumang Kanyang naisin. Kapag Kanyang itinakda ang isang bagay, Kanya lamang sasabihin “Mangyari” at magaganap.’” [Maluwalhating Qur’an 3:45-47]
Ang mga Muslim ay naniniwala na si Hesus ay isinilang na napakadalisay, at sa pamamagitan ng katulad na kapangyarihan kung paano binuhay si Eba at Adan na walang ama at ina.
“Katotohanan, ang katulad ni Hesus para kay Allah ay si Adan. Kanyang Nilikha siya mula sa alikabok; at Kanyang sinabi sa kanya [Hesus], “Maging” at siya na.” [Maluwalhating Qur’an 3:59]
Sa panahon ng kanyang pagkapropeta, si Hesus ay gumawa ng maraming mga himala. Ang Qur’an ay nagsaysay na kanyang sinabi:
“… Katotohanan, darating ako sa inyo ng may tanda mula sa inyong Panginoon at sa pamamagitan nito ay huhubog ako para sa inyo mula sa putik na katulad ng ibon, at hihingahan ko ito at ito ay magiging ibon sa pahintulot ni Allah. At padidilatin ko ang bulag [mula pagkabata], at may ketong, at bubuhayin ko ang patay – sa pahintulot ni Allah…” [Maluwalhating Qur’an 3:49]
Si Muhammad at Hesus, maging ang ibang mga propeta [sumakanila ang kapayapaan], ay ipinadala para patotohanan ang paniniwala sa isang Diyos. Ito ay tinukoy sa Qur’an ng si Hesus ay inulat na nagsabing siya ay dumating:
“At [ako ay dumating] para patotohanan ang Batas [Tawrah] na nauna bago pa ako at ipahintulot sa inyo ang ilan sa ipinagbawal sa inyo. Ang dumating ako sa inyo na may tanda mula sa inyong Panginoon, kaya’t matakot kay Allah at sundin ako.” [Maluwalhating Qur’an 3:50]
Si Propeta Muhammad ﷺ ay binigyang-diin ang kahalagahan ni Hesus sa pagsasabi ng:
“Sinuman ang maniwala na walang ibang diyos maliban kay Allah lamang, ng walang katambal, at si Muhammad ay Kanyang Sugo, na si Hesus ay isang lingkod at sugo ni Allah, Kanyang salita na hininga kay Maria at isang espiritu na mula sa Kanya, at ang Paraiso at Impiyerno ay katotohanan, ay tatanggapin ni Allah sa Paraiso.” [Bukhari]